LAUR, Nueva Ecija (PIA) — Ipinagdiwang ng bayan ng Laur ang kauna-unahan nitong Indigenous Peoples’ Cultural Day.
Ayon kay Mayor Alexander Daus, ito ay taun-taon nang gaganapin sa lokalidad bilang pakikiisa at pagkilala sa mga naninirahang katutubo sa lokalidad.
Aniya, buo ang suporta ng tanggapan sa mga pangangailangan at pagpapaabot ng programa para sa sektor.
Dito ay lumahok ang mga miyembro ng katutubong pangkat mula Kalanguya, Kankana-ey, Ibaloi, Aplai at Bag-o na ipinamalas ang kani-kaniyang kulturang sayaw, awit at kasuotan.
Sa mensahe ni Donato Bumacas, hepe ng National Commission on Indigenous Peoples sa Nueva Ecija, ay kanyang ipinaalala ang kahalagahang naisasabuhay ang prinsipyo at karapatan ng mga katutubo gaya ang karapatan sa lupaing ninuno, mga sariling pamamaraan, pagmamahal sa kultura, at pagkakapantay-pantay.
Gayundin ay patuloy niyang bilin sa mga nasasakupang pangalagaan ang mga kulturang ninunong minana at nakaugalian upang miasalin sa mga susunod na henerasyon.
Ayon kay Bumacas, ang taglay na kultura ng mga katutubo ang dahilan ng pagkakakilanlan ng sektor na dapat ay maingatan.
Siya aniya ay lubos na nagpapasalamat sa pamunuan ng pamahalaang bayang Laur na nakikiisa na sa pagpapalakas ng karapatan ng mga katutubo.
Kagaya ng Laur ay mayroon ding lokal na selebrasyon para sa mga katutubo ang mga bayan ng Carranglan at Rizal.
Pahayag ni Bumacas, ganito din ang kaniyang patuloy na panawagan sa iba pang mga munisipyo at siyudad na tumugon sa pangangailangan ng mga mamamayang katutubo.
Batay sa Proklamasyon Bilang 1906 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay idineklara ang Oktubre kada taon bilang Pambansang Buwan ng mga Katutubo. (CLJD/CCN-PIA 3)