BALER, Aurora — Humigit kumulang 100 residente ng Suklayin sa bayan ng Baler ang nakibahagi sa kauna-unahang Barangay Forum ng Social Security System o SSS at Philippine Information Agency o PIA sa Gitnang Luzon.
Kabilang sa mga dumalo ang mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan, kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, barangay health workers, day care workers at mga kaanak ng mga Overseas Filipino Workers.
Dito ay pinaliwanag ni SSS Aurora Branch Head Christian C. Catacutan ang mga benepisyong nakukuha ng mga miyembro partikular ang maternity, sickness, disability, retirement at death and funeral.
Nagbigay rin ng testimonya si Department of Social Welfare and Development Sustainable Livelihood Program Coordinator Domingo A. Casandig bilang isang manggagawa ng pamahalaan na magre-retire at mag-uumpisang tumanggap ng kanyang pensyon mula sa SSS maliban pa mula Government Service Insurance System ngayong Hulyo.
Paliwanag ni PIA Regional Director William Beltran, magsasagawa sila ng mga barangay at campus forums sa lahat ng lalawigan sa Gitnang Luzon ngayong taon upang palaganapin ang iba’t ibang programa ng SSS sa pag-asang makakuha ng mga bagong miyembro at hikayatin ang mga di aktibong miyembro na magbayad ng kanilang kontribusyon.