GUIGUINTO, Bulacan — Nagsagawa ng pagpupulong ang Poverty Reduction, Livelihood and Employment o PRLE cluster ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict o PTF-ELCAC para sa unang quarter ng taon upang tugunan ang mga isyu ng kawalan ng trabaho at pag-ahon sa kahirapan.
Sa ginanap na pulong sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority, binigyan kahalagahan ang PRLE cluster bilang isa sa 12 lines of effort ng PTF-ELCAC na tutugon sa mga nabanggit na isyu.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng TESDA ng skills training gaya ng naipagkaloob sa mga dating miyembro ng Kadamay.
Gayundin ang pagbibigay ng Department of Trade and Industry o DTI ng pagsasanay sa entrepreneurship, financing at marketing.
Ayon kay TESDA Provincial Director Jovencio Ferrer Jr., marapat na ang mga bubuuing plano ng PRLE cluster ay naka-angkla at nakasuporta sa whole-of-nation approach sa larangan ng pagibsan ng matinding kahirapan at pagtaas ng antas ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Samantala, sinabi naman ni 48th Infantry Battalion o 48IB Commanding Officer Lt. Col. Feliex Emeterio Valdez na mahalagang hakbang ito upang tugunan ang mga nabanggit na isyu na madalas na nararanasan ng mga vulnerable sector na nasasamantala naman ng ilang grupo.
Anya, patuloy ang kanilang gagawing pagbabantay at pagpapanatili ng kapayapaan hindi lamang sa Bulacan kung hindi sa buong nasasakupan ng kanilang operasyon upang maging epektibo at episyente ang tungkulin ng PRLE cluster.
Bukod sa TESDA, DTI at 48IB, miyembro rin ng naturang cluster ang Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform Department of the Interior and Local Government, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Commission on Indigenous Peoples, Department of Science and Technology at Department of Environment and Natural Resources.