LIMAY, Bataan – Naglunsad ng isang piket ang mga miyembro ng komunidad kasama ang Coal-Free Bataan Movement at KILUSAN-Bataan sa harap ng San Miguel Consolidated Global Power at Petron Refinery sa Brgy. Lamao, Limay, Bataan nitong Sabado, Pebrero 8, 2020.
Ang naturang ng protesta ay upang irehistrong muli ang panawagan ng grupo sa pagpapasara sa coal plant sa kadahilanang nagdudulot anila ito ng “matinding perwisyo sa pamumuhay at kalusugan ng mga residente malapit sa coal plant.”
Sa panayam ng Bataan Press kay Alvin Pura, spokesperson ng Coal-Free Bataan Movement at kasapi ng Limay Concernced Citizens Inc., masama umano ang epektong aniya ang dulot ng mga coal plant sa mga residente.
“Kamakailan lang sumabog ang bulkan ng Taal, pero lingid sa kaalaman ng mga kababayan natin na habang bumubuga ng abo sa Batangas at Cavite, umuulan din ng abo dito sa Bataan. Hindi nga lang mula sa bulkan, kundi mula sa dalawang coal plants na nag-ooperate dito sa Limay.Araw araw na polusyon,” pahayag pa ni Pura.
Ayon sa mga residente, “nakakasulasok na amoy, pag-buga ng abo, usok , ingay ng planta at ang nararanasan anilang mga ibat ibang uri ng sakit sa baga at balat.”
“Kung sa community, paulit-ulit na lang. Dapat patunayan nila na yung negosyo nila ay hindi peligroso sa kalusugan. 2017 pa yung sinabi nilang may health study silang gagawin pero hanggang ngayon wala pa rin silang nilalabas na resulta. Sino ang nagsasakripisyo? Ang mga tao, samantalang ang kumpanya patuloy na kumakamal ng tubo,” dagdag pa ni Pura.
Nananawagan din si Pura sa mga may-ari ng mga plantang ito na linisin aniya nila ang kanilang operasyon at huwag idamay ang kalusugan at kabuhayan ng mga “pamilyang malapit na nakatira at namumuhay nang payapa.”
Samantala ayon naman kay Derek Cabe, Coordinator ng Coal-Free Bataan Movement, sana aniya ay mapakinggan ang panawagan ng mga residente na “dapat kumilos na ang pamahalaan para mapahinto ang pagpapatakbo ng mga mapanirang coal plants.”
“Dapat isipin ng SMC na di lang negosyo ang kanilang pinapahalagahan. Dapat iniisip rin nila ang welfare at kabuhayan ng mga komunidad na naapektuhan ang pamumuhay at kalusugan gawa ng coal ash pollution na binubuga ng mga planta. Dapat rin nilang pahalagahan ang karapatang-pantao ng mga residenteng napeperwisyo ng kanilang negosyo,” ayon pa kay Cabe.