LUNGSOD NG MALOLOS — Aprubado na ng National Economic and Development Authority Board ang panukalang paliparan ng San Miguel Corporation o SMC sa Bulacan.
Sa isang panayam, sinabi ni SMC President Ramon Ang na ang New Manila International Airport ay itatayo sa may dalawang libong ektaryang pag-aari ng kumpanya sa may Manila Bay na bahagi ng bayan ng Bulakan.
Idinisenyo ito upang mailatag ang anim na mahahabang runway kung saan maaring lumipad o lumapag ang apat na eroplano nang sabay-sabay. Kaya rin aniyang malulan dito ang 250 eroplano kada oras.
Aabot sa 735 bilyong piso ang nakatakdang ipuhunan para sa naturang proyekto.
Taong 2014 pa unang inialok ng SMC sa nakalipas na administrasyon ang konsepto ng proyekto bilang unsolicited proposal sa ilalim ng Public-Private Partnership.
Sinabi ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na ang proyekto ang pupuno sa kasikipan ng Ninoy Aquino International Airport na may apat na terminal at tutulong sa mas nilalakihang Clark International Airport. (CLJD/SFV-PIA 3)