DINALUPIHAN, Bataan — Naglunsad kamakailan ang Land Bank of the Philippines o LBP ng isang loan program para sa mga maliliit na negosyante sa Bataan na lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay LBP Bataan Lending Center Head Ma. Marita S. San Diego, ang kanilang Interim Rehabilitation Support to Cushion Unfavorably-Affected Enterprises by COVID-19 o I-RESCUE Lending Program ay para sa mga small and medium enterprises o SMEs, microfinance institutions o MFIs, at mga kooperatiba na nangangailangan ng suportang pinansyal at para makapagbigay ng rehabilitasyon sa kalagitnaan ng krisis.
Sa isang panayam sa Sikat FM 91.1 kaninang umaga, ipinaliwanag ni San Diego na maaaring makahiram ang mga SMEs ng hanggang sa 85 porsyento ng kabuuang halaga na kanilang kinakailangan at gawin itong emergency fund para sa kanilang working capital.
Para naman sa mga kooperatiba at MFIs, ang loan program ay makakadagdag sa kanilang credit fund o pondong ipapahiram sa maliliit na magsasaka at mangingisda o kaya naman sa mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs.
Nasa hanggang 85 porsyento rin ng kabuuang halaga na kanilang kailangan ang maaring hiramin sa Landbank upang ipautang sa kanilang sub-borrowers na apektado ng krisis.
Aniya, nasa 1 porsyento kada buwan lamang ang relending rate para sa agricultural sector activities samantalang 1.25 porsyento naman para sa mga non-agricultural activities.
Dagdag ni San Diego, ang I-RESCUE Lending Program ay may 5 porsyentong interes lamang kada taon at fixed ito sa loob ng tatlong taon. Maaari itong bayaran sa loob ng hanggang limang taon at may grace period sa principal payment depende sa cash flow.
Para naman sa mga kliyente na mayroon nang existing loan at mahihirapan nang magbayad ng kanilang pag-utang, maaring itong isaayos ng LBP sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang loan, pagpapahaba ng repayment period, o kaya ay sa iba pang paraan para matulungan ang mga borrowers na maisaayos ang kanilang operational cash flow.
Para sa mga interesadong mag-apply sa nasabing loan program, ang mga kinakailangang dokumento at iba pang impormasyon ay makikita sa www.landbank.com/i-rescue-lending-program o maaring tumawag sa Bataan Lending Center sa numerong 633-2790 o magpadala ng email sa [email protected].
Ang kanilang opisina ay matatagpuan sa ikalawang palapag ng Landbank Building, DAR Compound, San Ramon Highway sa Dinalupihan.