League of Municipalities, nagpahayag ng suporta sa Constitutional Reform

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nagpahayag ng suporta ang League of Municipalities of the Philippines o LMP sa isinusulong na panukala ng Constitutional Reform o CORE Movement na amyendahan ang iilang probisyon sa Saligang Batas.

Sa kanyang mensahe sa isinagawang CORE Virtual Kapihan for Central Luzon media, sinabi ni LMP Board of Directors member at Dingalan, Aurora Mayor Shierwin Taay na nakatutok ang mga panukala ng CORE Movement sa makatotohanang pangangailangan ng kasalukuyang panahon lalo na sa tulad nila na mga maliliit na bayan sa mga dulong bahagi ng bansa.

Aniya, ang punto ng usapin sa isang bansang nagnanais ng isang makatotohanang pagbabago ay palakasin ang bawat nayon at lugar upang hindi lamang sa kalakhang Maynila ang sentro ng pag-unlad.

Bilang punong bayan, naranasan ni Taay ang mabagal na pagtugon at pagbaba ng mga tulong at proyektong pangkaunlaran kaya naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng unang haligi ng CORE: ang Pagyamanin ang Probinsya, Paluwagin ang Metro Manila.

Inilhad ng alkalde na noong siya ay lider kabataan ay madalas nang marinig ang salitang “Imperial Manila” sapagkat nakatutok dito ang lahat ng aspeto ng gawain lokal man o nasyunal na programa. Hanggang sa maramdaman ngayon sa pandemya na ating nararanasan na tama ang pagsusulong ng haligi ng CORE. Hindi na kailangan pang ipaliwanag o pagtalunan ng sinumang nanunungkulan.

Ang bahagi ng Internal Revenue Allotment na siya lamang madalas na pinagkukunan ng operasyon ng isang lokal na pamahalaan ay isa sa binibigyang pansin ng CORE na kung babaguhin ang sistema ng pagbabahagi ay malaking tulong na direkta at ganap na mapapakinabangan ang kabuuang bahagi ng mga buwis.

Paliwanag niya, ang isang maliit na munisipyo tulad ng Dingalan ay tiyak na mapapabilis ang gawaing pag-unlad.

Kwento niya na bilang punong bayan, kung hindi siya dumaan sa mga karanasan ng pagsasanay at hindi nagkaroon ng mga kaibigan at kakilala na nanunungkulan sa pambansang pamahalaan ay magiging mahirap ang pagbangon at pagsisimula ng pagbabago sa bayan ng Dingalan.

Kung walang kakilala o kapanalig sa malawakang takbo ng pulitika sa bansa ay hindi madaling gawin ang pag-unlad sa kasalukuyan kaya’t ang pagbabago ng probisyon sa Saligang Batas ay akma sa mabilis at kasalukuyang pangangailangan ng bawat bayan. 

Equity o pagkamakatarungan at hindi equality o pagkakapantay-pantay ang isinusulong ng CORE pagkat ito ang magtitiyak na matutugunan ang mga pangangailangan sa bawat lugar sa bansa.

Tunay na kung sino ang naninirahan sa isang lugar ay siyang higit na nakakaalam ng pangangailangan sa usapin man ng kultura at prioridad sapagkat ang bansa ay binubuo ng iba’t ibang pamayanan na may iba’t ibang pagpapahalagang nais ng nasasakupan.

Ang Gobyerno ay para sa Tao hindi para sa Trapo. Ang pangalawang haligi ng CORE ay nagsusulong ng pagbabago upang hindi lamang iisa o iilang pamilya ang mabigyan ng pagkakataong mamahala sa barangay, bayan, lalawigan o bansa sapagkat layunin nito ang isang balanseng pamamahala na nagbibigay halaga sa kakayahan ng bawat indibidwal at hindi lamang sa angkan na kinabibilangan. 

Ang Ikatlong haligi ng CORE ay gagabay upang ang ekonomiya ay maging bukas sa lahat at hindi kontrolado ng iilang tao lamang.

Pagkakaroon ng oportunidad ng mga tumatalima sa batas sa pagsusulong ng wastong pamumuhunan at iba pang may kakayahan na maglagak ng pamumuhunan sa bayan man o bansa.

Buksan ang pandaigdigang pamumuhunan na siyang may kapasidad na tumulong sa paglago ng ekonomiya at magbibigay ng punto na bukas ang bayan o bansa sa iba pang nais mamuhunan. 

Sa ganitong paraan ay masasala at makikita ng pamahalaan ang tapat at mabuting mamumuhuhan sapagkat may restriksyon sa batas ang mga mamumuhunan mula sa ibang bansa kaya’t ang pagtatago o paggamit ng dummy ay maiiwasan na siyang nagdudulot ng paglabag sa mga ekonomikong polisiya ng bansa. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews