
LUNGSOD NG MALOLOS – Buo na ang istraktura ng magiging Malolos Station ng North-South Commuter Railway (NSCR) sa Bulacan.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) NSCR System Deputy Project Manager Jojo Giron, ang platform o ang babaan ng mga pasahero ng naturang tatlong palapag na gusali ay nasa pagitan ng salubungang riles ng tren.
Ibig sabihin kapag nagsimula na ang operasyon ng mga biyahe, ang mga tren na hihinto rito ay magbubukas ng pintuan sa kaliwang bahagi.
Minarapat aniya ng Japanese contractor na Sumitomo Mitsui Construction Corporation Ltd. na idisenyong nasa gitna ang platform dahil sa limitadong espasyong lupa na pag-aari ng Philippine National Railways (PNR) sa lungsod ng Malolos.
Kahalintulad nito ang naging sistema sa Shaw Boulevard, Boni at Buendia stations ng Metro Rail Transit Line 3 sa kahabaan ng EDSA na magkasamang dinisenyo rin ng Sumitomo Mitsui Construction Corporation Ltd. at ng isa ring Japanese firm na Mitsubishi Heavy Industries noong 1997, kung saan sa kaliwang bahagi ng tren nagbubukas ng pinto.
Itinayo ang bagong Malolos Station ng NSCR kahilera ng dating istasyon ng noo’y Manila Railway Company na ngayo’y kilala bilang PNR na itinayo pa noong 1891.
Magsisilbing pasukan at labasan ng mga pasahero ang unang palapag ng bagong istasyon na diretso na sa planong intermodal terminal na sakayan ng mga bus, dyip, at tricycle habang mula sa unang palapag hanggang sa ikalawang palapag ay magiging commercial area na pagkukuhanan ng non-rail revenues.
Makakatulong ito sa pagbabayad sa Official Development Assistance na ipinahiram ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa pamahalaan ng Pilipinas.
Mula nang pasimulan ang aktuwal na konstruksiyon ng NSCR System sa Malolos noong 2019, aabot na sa P879 bilyon ang nagugugol sa 147 kilometro na proyekto na tatakbo mula sa Clark International Airport sa Pampanga hanggang sa Calamba, Laguna.
Bukod sa JICA, katuwang din ng DOTr ang Asian Development Bank partikular naman sa bahagi ng NSCR mula Malolos hanggang Clark International Airport at mula sa Blumentritt sa Maynila hanggang Calamba, Laguna.
Samantala, naglatag ng disenyo ang pamahalaang lungsod ng Malolos upang makapagtayo ng mga footbridges mula sa istasyon ng NSCR.
Ito’y upang mailapit at maikabit ito sa Bulacan Eco-Commercial Building ng pamahalaang panlalawigan, Bulacan State University, Malolos Central Transport Terminal, at sa tapat ng bakuran ng Kapitolyo.
Popondohan naman ito ng pamahalaang lungsod mula sa bahagi ng National Tax Allocation. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)