Nasa 120 couples ang humabol sa “love month” kung saan ang mga ito ay sabayang ikinasal sa isinagawang “Kasalang Bayan”, isang mass wedding ceremony na ginanap sa City of San Jose Del Monte Convention Center sa Barangay Sapang Palay, CSJDM, Bulacan nitong Linggo, Pebrero 27, 2022.
Ang naturang kasalan ay pinangasiwaan ni Born Again Christian Rev. Neil Muñoz sa inisyatibo ni Bulacan Governor Daniel Fernando bilang major sponsor o ninong kasama ang mga co-sponsors Mayor Arthur Robes, Congresswoman Rida Robes, 4th District Board Members Alex Castro, Jonjon Delos Santos, Councilors Ian Baluyot, at Mario Batuigas.
Kabilang sa mga bagong ikinasal ay ang 94-anyos na si Lolo Ponciano Tiglao at Lola Valeriana Tinio-Tiglao, retired teacher at kapwa residente ng Barangay Gaya-Gaya, CSJDM.
Ayon kay Lola Valeriana, kapwa sila biyudo at biyuda at nagsimula silang magsama 31 taon na buhat nang mamatay ang una nilang mga asawa.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Fernando na hindi siya pabor sa divorce kung saan ipinaliwanag niya kung gaano kasagrado ang kasal na tanging kamatayan lamang ang makapaghihiwalay.
Nitong nakaraang Linggo, Pebrero 21 ay nasa 210 couples ang ikinasal rin sa isinagawang civil mass wedding sa Norzagaray, Bulacan sa pangunguna naman ni Mayor Alfred Germar kasama rin sina Fernando at Castro.