BATAAN – Sa pagsusulong ng pampasaherong sasakyan na hindi nag-iiwan ng carbon footprint, simula sa unang araw ng Pebrero 2024, magsisimula nang magbiyahe ang dalawang Electric Vehicles (EVs) sa Bataan, ayon kay Bataan Governor Joet Garcia.
Ang magandang balita ay ipinaabot ni Gov. Joet Garcia sa publiko, kung saan ang paglunsad ng libreng transportasyon sa ilalim ng proyektong ito ay magiging kahalili sa tradisyunal na pampasaherong sasakyan. Aniya, ang layunin nito ay mabigyan ng mas maginhawang biyahe ang kanyang mga kababayan sa Bataan, lalo na ang mga may transakyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ang seremonya ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa proyektong ito ay nangyari kamakailan lamang, kung saan naging bahagi sina Vice Governor Cris Garcia, Abucay Mayor Robin C. Tagle, Genpact Philippines Vice President Arnold Pagcaliwagan, at Global Electric Transport – Get Philippines Inc. Managing Director Anthony Dy, kasama ang iba pang opisyal.
Ang pampasaherong EVs na ito ay naglalayong mapabuti hindi lamang ang transportasyon sa Bataan kundi pati na rin ang pangangalaga sa kalikasan. Sa mga pick-up points at mga babaan nito, lalapag ang dalawang EVs sa mga piling munisipyo sa lalawigan.
Hinikayat din ng mga opisyal ang mga residente na i-download ang GET Pass App, isang mobile application na makakatulong sa real-time na pagtukoy sa lokasyon ng sasakyan at ang oras ng kanilang pagdating sa mga pick-up points. Ang nasabing app ay maaaring i-download sa mga sumusunod na link: Android: GET Pass App on Google Play, at sa iOS: GET Pass App on App Store.
Ang pagsuporta sa proyektong ito ay hindi lamang naglalayon na mapabuti ang transportasyon kundi pati na rin na maging bahagi ng malasakit sa kalikasan at mas ligtas na biyahe para sa mga pasahero. Abangan ang kabuuang detalye ng schedule at ruta ng mga EVs sa mga susunod na araw.