LUNGSOD NG CABANATUAN — Dadalhin ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels ang mga serbisyo at programa ng Pag-IBIG Fund sa tatlong siyudad sa Nueva Ecija.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, layunin ng programang maibaba at mailapit ang mga serbisyo at benepisyo para sa mga miyembro o nais pa lamang maging miyembro ng Pag-IBIG Fund.
Aniya, sa pamamagitan ng programa ay mismong ahensiya ang dadayo sa iba’t ibang munisipyo at siyudad dala ang kumpletong serbisyo tulad ng membership application, updating or verification of membership record, filing of loan, provident benefits claim, pagkuha ng loyalty card at marami pang iba.
Orihinal na dinisenyo ang Lingkod Pag-IBIG on Wheels para umagapay at maghatid ng tulong sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad, na ngayon ay nagtutungo sa iba’t ibang lugar partikular sa mga munisipyo at lungsod na malalayo sa branch o opisina ng Pag-IBIG Fund.
Ang iskedyul ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa Nueva Ecija ay: June 8 sa City Hall Compound ng Gapan; June 9 sa City Hall ng Palayan at June 10 sa Cabanatuan City Hall.
Pahayag ni Pasaraba, pinili muna ng ahensiya na idaos sa mga malalaking siyudad ang aktibidad na hangad mapuntahan ang lahat ng bayan at siyudad sa Nueva Ecija gayundin sa karatig na probinsiyang Aurora.
Kaniyang paglilinaw ay hindi lamang ang mga kawani ng mga nabanggit na lokal na pamahalaan ang maaaring lumahok sa programa dahil bukas ang aktibidad para sa lahat ng mga mamamayan.
Paalala sa lahat ay huwag kalilimutang magdala ng mga dokumento na kailangan sa mga transaksiyon tulad ng valid identification cards o ID, birth certificate, marriage certificate at iba pa.
Ang panawagan ni Pasaraba ay sulitin at tangkilin ang mga idaraos na aktibidad upang maka-avail ng mga serbisyo ng ahensiya nang hindi na kinakailangan pang magtungo at pumila sa mismong branch.
Kaniya ding ipinaaabot ang pasasalamat sa agad na pagtugon at suporta ng mga lokal na pamahalaan sa idaraos na Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa Nueva Ecija.