Patuloy na iikot ang Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa iba’t ibang bayan at siyudad sa Nueva Ecija.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, sa pamamagitan ng programa ay mismong serbisyo na ng ahensya ang inilalapit sa mga mamamayan upang hindi na maabala o mahirapan sa pagbiyahe.
Ang orihinal na konsepto ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels ay makapaghatid ng tulong at serbisyong kailangan ng mga miyembrong nasalanta ng kalamidad, na ngayon ay umiikot sa iba’t ibang lugar dala ang lahat ng mga programa ng Pag-IBIG Fund.
Unang pinuntahan ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels nitong Hunyo ang mga lungsod ng Cabanatuan, Gapan at Palayan.
Naka-iskedyul ito ngayong Agosto 10 sa bayan ng Guimba kasunod ang Central Luzon State University sa Agosto 11 at 12.
Inaanyayahan ni Pasaraba ang mga residente ng mga kalapit bayan at siyudad na tangkilikin at sulitin ang pagbaba ng mga programa ng ahensya.
Dito ay maaaring magparehistro bilang miyembro, magpasa ng aplikasyon para sa Multi-Purpose Loan o Provident Benefits Claim at malaman ang savings o records, at iba’t-ibang benepisyong hatid ng Pag-IBIG Fund.
Sa susunod na buwan ay nakalinyang puntahan ang mga bayan ng Cuyapo, Pantabangan, General Tinio, Zaragoza at San Isidro at lungsod ng San Jose.