Liquor Ban, mahigpit na ipapatupad sa Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Mahigpit na ipinagbabawal sa lungsod ng Malolos ang pagtitinda ng mga inuming nakalalasing at maging ang pag-inom nito ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine o ECQ. 

Base sa City Ordinance 13-2020 na iniakda ni Vice Mayor Noel Pineda, iiral ito hangga’t may bisa pa ECQ para masugpo ang sakit na coronavirus disease o COVID-19.

Malaking tulong din ito upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa 51 barangay ng lungsod habang ang karamihan sa mga tao ay pinananatili sa loob ng kanya-kanyang mga bahay. 

Papatawan ng multang limang libong piso ang sinumang mahuhuling iinom ng nakakalasing at babawian ng business permit na may multa pang limang libong piso  ang mga establisementong magtitinda habang umiiral ang Liquor Ban.

Pinagtibay ito ng Sangguniang Panglungsod noong Marso 23 at nilagdaan ni Mayor Gilbert Gatchalian upang agad na maipatupad. 

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng punong lungsod ang mga punong barangay na huwag hayaang may nagpapamigay ng mga inuming nakakalasing.

Bunsod ito ng pagkalat ng mga bali-balita sa lungsod na nakakagaling laban sa sakit na COVID-19 ang pag-inom ng inuming may taglay na alkohol.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews