Livelihood starter kit, ipinagkaloob ng LGU Licab sa mga dating supporters ng CTG

LUNGSOD NG CABANATAUN — Ipinagkaloob ng pamahalaang bayan ng Licab sa Nueva Ecija sa mga dating taga-suporta ng Communist Terrorist Group o CTG ang mga kagamitang pangkabuhayan para sa mushroom production.

Pinangunahan mismo ni Mayor Eufemia Domingo kasama si 84th Infantry Battalion o 84th IB Commanding Officer Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto ang pagkakaloob ng mga kagamitang makatutulong sa pangkabuhayan ng mga miyembro ng Bagong Pag-asa Farmers Association o BPFA.

Ang nabanggit na samahan ay dating kilalang organisasyon na Damayan ng Mamamayan Laban sa Kaapihan at Kahirapan na nagbitaw ng pagsuporta sa mga CTG noong Agosto 2020, na sa tulong at gabay ng 84th IB ay nanumbalik sa panig ng pamahalaan tungo sa pagsusulong ng kaunlaran at kapayapaan.

Sila ngayon ay rehistrado na sa Department of Labor and Employment bilang isang people’s organization.

Kanilang tinanggap mula sa pamahlaang bayan ang tig-isang yunit ng shredder machine at repacking machine, apat na pirasong drum, tatlong dosenang plastic bag, tatlong kilong rubber band, 1000 pirasong fruiting bag, at 18 pirasong PVC pipes.

Ayon kay Domingo, makaaasa ang samahan na mananatiling nakabukas ang tanggapan ng pamahalaang lokal upang tumulong at magbigay suporta hindi lamang sa pangkabuhayan kundi maging sa edukasyon ng mga anak at pangangailangang pangkalusugan ng pamilya.

Ang kanyang panawagan lamang ay manatili ang komunikasyon ng asosasyon sa lokal na pamahalaan upang maiugnay at maiparating ng maayos ang mga programa ng pamahalaan.

Ang payo ni Ileto ay pagyamanin at palakasin ng samahan ang natanggap ng livelihood program nang sa gayon ay makatulong ng maigi para sa kinabukasan at kaayusan ng pamumuhay.

Lubos ang pasasalamat ni BPFA President Marites Balasoto sa malasakit at suporta ng pamahalaang bayan at ng mga kasundaluhan ng 84th IB na mga hindi nagsasawang tumulong para matuto ang samahan at hindi na maligaw ng landas.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews