Lungsod sa Tsina mamumuhan sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang sinelyohan ang US$254.82 milyon o P15 bilyong halaga ng pamumuhunan ng lungsod ng Changsha sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, nagsisimula nang makita at mapakinabangan ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng sisterhood agreement sa pagitan ng Bulacan at ng Hunan kung saan bahagi ang Changsha.

Tinanggap ni Gobernador Daniel Fernando (nasa gitna) ang isang token of appreciation mula sa bumibisitang si Party Secretary Wu Guiying ng Communist Party of China- Changsha Municipal Committee (nasa kaliwa) sa Kapitolyo ng Bulacan sa lungsod ng Malolos. Nasa lalawigan ang mga matataas na opisyal ng lungsod ng Changsha upang pormal na ilagak ang US$254.82 milyon o P15 bilyong halaga ng pamumuhunan sa lalawigan ng Bulacan. Sinaksihan ang seremonya ni Bise Gobernador Alexis Castro (nasa kanan). (Shane F. Velasco/PIA 3)

Pangunahin sa mga probisyon nito ang pag-uugnay ng Hunan sa mga munisipalidad at lungsod na sakop nito upang makapamuhunan sa mga lalawigan sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Nagkaroon ng kumpirmasyon ang pamumuhunang ito sa opisyal pagbisita ni Fernando sa Hunan noong Oktubre 2019.

Sa ginawa namang reciprocal na opisyal na pagbisita ng mga matataas na opisyal ng lungsod ng Changsha sa pangunguna ni Party Secretary Wu Guiying ng Communist Party of China-Changsha Municipal Committee sa lungsod ng Malolos at Guiguinto, nalagdaan ang apat na investment deals.  

Ang nasabing mga pamumuhunan ay nabuo sa pamamagitan ng Changsha, China-Philippines Economic and Trade Promotion Conference Project at Changsha, China-Philippines Economic and Trade Matchmaking Forum Project.

Para kay Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director at concurrent Provincial Director Edna Dizon, maituturing na paunang resulta na ito ng pagbuhos ng mga malalaking pamumuhunan mula nang pormal na ratipikahan ng Pilipinas ang pagpasok sa Regional Comprehensive Economic Partnership.

Partikular na malalagakan ng pamumuhunan ang Bulacan Mega City Project ng pamahalaang panlalawigan na nasa tabi ng northbound lane ng North Luzon Expressway.

Matatagpuan ito sa 400 ektaryang lupa na sakop ng mga bayan ng Pandi, Bocaue at Balagtas na idinisenyo upang maging mixed-use facility.

Kabilang sa mga itatayo rito ang mga industrial factories, warehouses, techno hub, international retail outlets, shopping malls at call centers.

Pinakamalaki sa mga pamumuhunan na nakapaloob sa mga investment deals ang US$180 milyon para sa Sales at Local Vehicles Assembly ng Foton Philippines. 

Target itong simulan ng Beiqi Foton Motor Co. Ltd. at ng United Asia Automotive Group Inc. sa taong 2024.

Makikinabang naman ang mga mangingisda sa Bulacan sa US$40 milyong Cooperation Contract for Import of Philippine Aquatic Products ng Hunan Babaili Holding Group at ng Philippines Hujie Seafood Trading Company.

Lalahok din ang mga mamumuhunang Tsino mula sa Changsha sa pagtulong sa pamahalaan para makagawa ng mga abot-kayang pabahay sa pamamagitan ng Broad Group Philippines Government Affordable Housing Project.

May halagang US$18 milyon ang ilalagak na puhunan ng Broad Group Co. Ltd. at nRGJ Real Estate Company.

At pang-huli, nasa US$16.82 milyon ang Sales Contract ng mga Excavator Equipment ng Zoomlion Heavy Industry Science and Technology Co. Ltd. at ng Nextgen Construction and Development Corporation.

Bukod sa Bulacan Mega City, mamumuhunan din ang mga negosyanteng taga Changsha sa iba’t ibang panig ng lalawigan sa larangan ng rice production, agricultural mechanization, waste management facility, manufacturing at sa construction.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews