Ayon kay SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada, isa sa dahilan ng pagtaas ng koleksyon ay ang epektibong operasyon ng Run After Contribution Evaders (RACE) campaign ng ahensiya.
Aniya, nakakolekta ang SSS Luzon Central 2 Division ng P5,039.11-bilyon mula Enero hanggang Abril 2023 kumpara sa P4,098.53-bilyon sa taong 2022 ng kaparehong panahon.
Sakop ng SSS Luzon Central 2 Division ang mga sangay ng Angeles, Baliwag, Bocaue,Dau, Malolos, Meycauayan, Olongapo, Pampanga, San Jose Del Monte at Sta. Maria.
Nabatid na sa buong Luzon operation ng SSS buhat sa Luzon North 2, Luzon Central 1 at Luzon Central 2 ay nakapagtala ang ahensiya ng P5.7-bilyon na collection increase mula Enero hanggang Abril 2023.Samantala, target ng SSS na singilin sa kanilang obligasyon ang nasa mahigit 6,000 na mga delinquent employers na aabot sa mahigit P78-milyon halaga ng mga hindi nahulog na kontribusyon ang nais na makolekta ng SSS Malolos at Bocaue Branch.
Ayon kay SSS Malolos head Francisco Paquito Lescano, nasa 3,995 ang delinquent employers na nakabase sa mga bayan ng Guiguinto, Paombong, Calumpit, Hagonoy at Malolos na target nila singilin sa kanilang obligasyon para sa 31,790 empleyado o manggagawa na aabot sa halagang P63.29 milyon.
Samantala, umabot na sa P394M ang koleksyon ng Malolos Branch sa taong ito na mataas ng 15% kumpara sa taong 2022.Sisingilin naman ng SSS Bocaue Branch ng halagang P15.3 milyon ng kanilang obligasyon ang nasa 2,011 na mga delinquent employer na nakabase sa Balagtas, Pandi at Bocaue sa Bulacan kung saan nakasalalay ang benepisyo ng nasa 9,319 mga empleyado.
Ayon kay SSS Bocaue Acting Branch Head Evangeline Mananghaya, tuloy-tuloy ang kanilang surprise visit sa mga delinquent employers sa ilalim ng kanilang RACE operation campaign.Ang mga nabanggit na delinquent employers ay maaaring ma-avail ang alok ng SSS na Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDE MRP), sa ilalim ng SSS Circular 2022-021 at 2022-021B.
Dahil dito, ayon kay Andrada, hindi na pababayaran ang penalties at tanging ang principal o ang mismong kontribusyon na lamang at interes ang babayaran ng delinquent employers.
Saklaw ng condonation ang mga hindi nakabayad dahil sa pagtama ng pandemya ng COVID-19 partikular na mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2022.
Sisingilin ng anim na porsyentong interes ang mga delinquent employer kung hindi nakapaghulog ng kontribusyon bago at makalipas ang nasabing petsa.
Maaari ring i-settle ng isang delinquent employer sa SSS kung gaano kahaba ang panahon ng pagbabayad depende sa halaga ng babayaran matapos ang itinakdang 15-araw na palugit mula sa araw na natanggap ang demand letter.