Maaliwalas at mas malaking gusali ng SSS Baliwag, pinasinayaan

BALIWAG, Bulacan (PIA) — Pormal nang binuksan ang maaliwalas at mas malaking gusali ng sangay ng Social Security System o SSS sa Baliwag na matatagpuan sa barangay Tangos. 

Mararating ito ilang metro mula sa flyover sa may crossing ng Baliwag patungo sa direksyon ng Candaba, Pampanga. 

Ayon kay SSS Executive Vice President for Branch Operations Sector Judy Frances A. See, pinili ang Baliwag na paglagyan ng isa sa mga sangay sa Bulacan bilang sentro ng kalakalan sa gawing hilaga ng lalawigan.

Dahil sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng Baliwag bunsod ng tumataas na bilang ng mga negosyo at establisemento, dumami ang mga employers at mga empleyado na nagbabayad ng kontribusyon. 

Kaya’t naging masikip at maliit na ang dating tanggapan ng SSS na noo’y nasa tabi ng Daang Maharlika at limitado ang paradahan ng mga sasakyan kaya nagdesisyon aniya ang SSS na humanap at lumipat sa isang pasilidad na magiging maginhawa sa mga kliyente nito gaya ng mga employers, empleyado sa pribadong sektor at mga pensiyonado. 

Apat na beses itong mas malaki kumpara sa dati nitong tanggapan. Ayon kay Marites A. Dalope, Branch Manager ng SSS Baliwag, may kabuuang laki na 600 square meters ang dalawang palapag gusali na kayang makapaglulan ng mahigit dalawang libong kliyente araw-araw. Ito’y kumpara sa 1,860 katao lamang doon sa dating tanggapan. 

Matatagpuan sa unang palapag ang mga booths sa issuance ng social security number, mga verifications, receiving para sa pagkuha ng benepisyo sa maternity, sickness, retirement, death at funeral; corporate lane, unified-multipurpose identification card section, priority lane para sa mga matatanda, may kapansanan at buntis. Dito rin matatagpuan ang dalawang units ng SET o ang SSS Self-Service Express Terminal.

Nasa ikalawang palapag naman ang mga booths para sa bayaran ng mga kontribusyon na may malawak na pilahan at antayan ng mga miyembro. Nandito rin ang tanggapang pang-administratibo ng SSS Baliwag. 

Mayroon itong malawak na paradahan na tinatayang makakapaglulan ng 80 na mga sasakyan. Walang ginastos ang SSS sa pagpapagawa ng nasabing gusali dahil bagong tayo lamang ito bago sila lumipat. Bukod dito, sinagot na rin ng nagpapaupa ang pagsasaayos sa panloob na ayos ng bagong tanggapan. 

Kaugnay nito, binigyang diin pa ni Dalope na sa pagkakaroon ng mas malaki at maaliwalas na tanggapan, mas makakahikayat ito ng mas maraming kliyente. 

Mapapataas din aniya lalo ang produktibidad at antas ng serbisyo ng mahigit 30 mga kawani ng SSS Baliwag.

Kabilang ang SSS Baliwag sa anim na mga sangay nito na mayroon sa Malolos, Bocaue, Santa Maria, Meycauayan at San Jose Del Monte. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews