Patay ang isang negosyante pati na ang asawa nito makaraang pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek na umanoy nakabangga sa sasakyan ng mga biktima na nooy nakaparada lamang sa harap ng kanilang bahay sa Maunlad Homes Subdivision sa Barangay Mojon sa Lungsod ng Malolos kamakalawa ng hapon (Linggo).
Kinilala ni Bulacan police provincial director PCol. Chito Bersaluna ang mga biktima na sina Christian Espiritu, 38, negosyante at ang asawa nito na si Mary Chris Espiritu, 29, housewife, kapwa nakatira sa No. 36, Mayabong St., Maunlad Homes Subdivision ng nasabing lungsod.
Ang suspek na sa hanggang ngayong ay hindi pa nakikilala ay tinutugis na ng Bulacan PNP at City of Malolos Police Station na mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.
Base sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-4:30 Linggo ng hapon nang mabangga ng suspek sakay ng kaniyang kulay itim na motorsiklo at nakasuot ng helmet, jacket at naka-short ang sasakyan ng biktima na Mazda 2 na noo’y nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa nabanggit na lugar.
Agad na nakita ng biktimang si Christian ang pangyayari kaya’t kinompronta niya ang suspek habang ang babaeng biktima ay sinusubukan awatin ang kaniyang asawa at ang suspek.
Habang kinokompronta ay bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ng ilang beses ang biktima habang ang asawang biktima ay tumakbo papaloob ng bahay subalit hinabol ng suspek at ilang ulit ding pinagbabaril at pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng kaniyang motorsiklo.
Ang mga pangyayari ay nasaksihan mismo ng kapatid ng isa sa biktima na si April Jee Ismil, 13-anyos kung saan siyang humingi ng tulong sa mga kapit-bahay na mabilis na itinawag sa police station.
Wala nang buhay ang lalaking biktima nang matagpuang nakabulagta sa kalsada habang ang asawa nito ay naisugod pa sa pinaka malapit na ospital subalit binawian din ng buhay.
Agad naman nagsagawa ng hot pursuit operation ang kapulisan laban sa suspek. Ayon sa police, patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon at hindi isinasantabi ang iba pang posibleng motibo sa krimen.