Makakatikim na ng supply ng tubig mula sa Angat Dam ang mga magsasakang Bulakenyo partikular na ang 13,300 ektarya ng sakahan mula sa South Zone area sa nabanggit na lalawigan.
Ito ang ipinahayag ni Bulacan Governor Daniel Fernando kaugnay ng usapin hinggil sa paggamit ng tubig ng Angat Dam kung saan sa kasalukuyan ay ang Kamaynilaan ang siyang unang nakikinabang partikular na sa domestic water needs.
Ayon sa gobernador, ang mamamayang Bulakenyo dapat ang unang makikinabang o prayoridad sa paggamit ng tubig mula sa Angat Dam dahil dito ito nakatayo.
“Kung may tubig si Juan, dapat may tubig din si Pedro… ang lalawigan ng Bulacan ang unang dapat makinabang sa tubig Angat,” ani Fernando.
Ito ay makaraang mabatid na labing-dalawang bayan sa Bulacan mula sa South Zone area ng kabukiran ay hindi nakakatikim o nabibigyan ng water irrigation supply sa kanilang mga sakahan mula sa nasabing water reservoir.
Dahil dito, kamakailan ay dumulog kay Fernando ang may 300 magsasaka at inilatag ng mga ito ang kanilang karaingan at hiling na sila ay mabigyan ng supply ng tubig para sa kanilang mga irigasyon.
Napag-alaman na una rito, tanging inuunang suplayan ang domestic water needs ng Metro Manila at maging ang karatig lalawigan gaya ng Cavite at Rizal subalit ang sakahan sa nasabing mga bayan sa Bulacan ay walang natatanggap ng sariling tubig na galing mismo sa Bulacan.
Dahil dito, ay pinakiusapan ng gobernador ang pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) at National Water Resource Board (NWRB) kung saan nangako naman ang mga ito na pagkakalooban sila ng tubig at inaasahang makakamit ang water supply sa susunod na mga linggo.
Ayon kay Fernando, pumayag ang NWRB at NIA ng mula sa 10 cubic meters ay ginawa nang 15 cubic meters at dahil sa kaniyang pakiusap ay dinagdagan pa ito at ginawang 20 cubic meters para sa North at sa South Zone area ng sakahan sa lalawigan.
Sinabi ng gobernador na kailangan nang mabigyan ng supply ng tubig ang mga irigasyon sa ikatlong linggo ng buwang kasalukuyan upang makapagsimula nang makapagtanim ang mga magsasaka.
Nabatid na aabot sa mahigit 31,000 ektarya ng sakahan mayroon ang North at South Zone area at dahil sa agarang aksyon ni Fernando ay mabibiyayaan na ang daan-daang magsasakang Bulakenyo.