LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot sa mahigit sa 10 libong mga Bulakenyo ang nakiisa sa idinaos na Takbo para sa Kalikasan 2 para patuloy na sagipin ang Manila Bay.
Magkasama itong inorganisa ng kapitolyo katuwang ng Department of the Interior and Local Government o DILG at Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Ayon kay Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office Head Elizabeth Alonzo, ang nasabing bilang ay nagsitakbo sa habang sampung kilometro, limang kilometro at tatlong kilometro mula sa Bulacan Sports Complex sa Malolos.
Kinumpirma ni DILG Assistant Secretary for Special Concern Marjorie Jalosjos na ito na ang Takbuhan para sa Kalikasan na may pinakamaraming lumahok kaugnay ng kampanya na lalo pang pag-igtingin ang pagsagip sa Manila Bay.
Binigyang diin naman ni Presidential Communication and Operations Office Assistant Secretary Ramon Cualoping na layunin ng takbuhan na bukod sa pagpapalaganap ng mataas na kamalayan tungkol sa look, kalakip nito ang paglalahad ng iba’t ibang proyekto at programa ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa Manila Bay.
Ang lahat ng ito aniya, ay ginagawa ng administrasyong Duterte para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino
Katunayan, ibinalita ni Senador Cynthia Villar na base sa inaprubahang Pambansang Badyet ng 2020, may inilaan na 1.2 bilyong piso para sa DENR upang ipagpagawa ng recycling facility at composting facility sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Mayroon pang hiwalay na 160 milyong piso para sa Bureau of Soil and Water Management ng Department of Agriculture para rin sa katulad na proyekto.
Ayon pa sa senadora, bilang bahagi ng pangmatagalang rehabilitasyon sa Manila Bay, naglaan ng 350 milyong piso na bahagi ng Pambansang Badyet ng Department of Health upang makapagtayo ng mga palikuran.
Base aniya sa pag-aaral, may pitong milyong Pilipino ang namumuhay nang walang maayos na palikuran kaya’t dumidiretso sa mga anyong tubig ang kani-kanilang mga dumi.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na bilang paghahanda sa unang taong anibersaryo ng “Battle for Manila Bay” sa Enero 27, 2020, mas pinaigting pa ang mga istratehiya ng ahensiya para lalong malinis ang Manila Bay.
Kabilang diyan ang deployment ng mga tug boats upang salukin ang mga “isla ng basura” sa gitna ng Manila Bay. Ito aniya ang mga basura na kapag panahon ng tag-ulan o habagat, ay tinatangay ng hangin at alon papunta sa mga pampang ng Manila Bay.
Kaya’t upang hindi aniya paulit-ulit ang paglilinis, ay hahakutin na ang mga namuong basura sa gitna ng look. Iba pa rito ang ilalatag na trash boom upang wala nang basura na makarating sa pampang ng Manila Bay.
Kukuha rin ng 2,500 na mga manggagawa ang DENR at idedestino bilang mga Estero Warriors upang mabantayan ang mga daanan ng tubig papunta sa Manila Bay mula sa Cavite hanggang sa Bataan.
Target ng ahensya matamo ang SB quality sa taong 2020 o ang kalidad na pwede na itong paliguan. Kaya’t ayon naman kay Jalosjos, sa susunod na taon ay kung idinadaos ngayon ang “Takbo para sa Kalikasan,” isasagawa naman sa taong 2020 ang “Langoy para sa Kalikasan.”
Samantala, bilang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan, tuluy-tuloy rin ang ginagawang pagpapalalim sa mga kailugan sa buong Bulacan. Sinimulan sa Malolos at ngayo’y nasa Calumpit na dredger at nasa kasagsagan nang paghuhukay.
Iba pa rito ang nakatakdang malawakang dredging ng mga malalaking ilog na nakadugtong sa Manila Bay gaya ng ilog ng Bocaue at Marilao-Meycauayan-Obando river system sa pamamagitan ng San Miguel Corporation, ang kontratista ng itatayong New Manila International Airport sa bayan ng Bulakan.
Nakatala rin sa 2020 Annual Investment Plan ng Pamahalaang Panlalawigan ang paglalagay ng mga Sewerage Treatment Plant sa lahat ng mga pampublikong ospital sa Bulacan.
Ito’y upang matiyak na walang dumi mula sa mga ospital na napapadaloy o naitatapon sa mga anyong tubig na dumederecho sa Manila Bay. (CLJD/SFV-PIA 3)