Mahigit 20,000 pamilyang apektado ng baha sa Bulacan tumanggap ng ayuda

Matapos ang malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat na pinalakas pa ng Bagyong Fabian, namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng relief goods sa may kabuuang 22,324 na apektadong pamilya sa lalawigan kamakailan.

Agad na inatasan ni Gob. Daniel  Fernando ang pinuno ng PSWDO na si Rowena J. Tiongson na magsagawa ng relief operation na nagsimula noong Agosto 1-2 sa Calumpit kung saan may kabuuang 3,738 na pamilya ang nabahagian ng food packs kabilang na ang mga Barangay ng Sta. Lucia, San Miguel at Gatbuca; 8,093 na pamilya mula sa bayan ng Balagtas kasama ang mga Barangay ng Panginay, Wawa at San Juan; at 1,600 na pamilya mula sa bayan ng Marilao kabilang ang Brgy. Poblacion II.

Nagpatuloy ang pamamahagi noong nakaraang Sabado sa mga Barangay ng Gugo, Meysulao at Frances sa bayan ng Calumpit kung saan mayroong karagdagang 3,491 na pamilya ang natulungan at sa bayan ng Marilao kabilang ang mga Barangay ng Abangan Norte at Poblacion I kung saan may karagdagang 6,641 na pamilya ang tumanggap ng relief goods.

Samantala, hinimok ni Fernando ang bawat isa na manalangin at manatiling alerto lalo na sa mga darating na buwan ng matitinding pag-ulan.

“Ganitong panahon na natin mararamdaman ang mga ganitong malalakas na pag-ulan. Wala pa man tayo sa buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre kung saan kasagsagan ng mga kalamidad at mga bagyo, ipagdasal na po natin ang kaligtasan ng bawat isa at at tayo naman po sa Pamahalaang Panlalawigan ay patuloy na magbabantay at tutulong sa inyo,” anang gobernador.

Kamakailan ay nagpaabot din ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. San Juan, San Miguel at Brgy. Ang Sta. Ines, Bulakan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews