Mahigit 50 libong trabaho sa Bulacan, target sagipin ng DOLE

Inilatag ng Department of Labor and Employment o DOLE Bulacan ang mga konkretong pagtugon upang sagipin ang mahigit 50 libong trabaho na nawala o nahinto dahil sa nararanasang pandemya.

Sa ginanap na Employers Summit 2021 na pinagtulungang inorganisa ng DOLE at Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office, sinabi ni DOLE Provincial Director May Lynn Gozun na ikinakasa ng pamahalaang nasyonal ang National Employment Recovery Strategy o NERS 2021-2022 upang sikaping maibalik sa trabaho ang mga nawalan ng trabaho at magpatuloy ang mga nahinto.

Prayoridad na maabot ang mahigit 20 libong nawalan ng trabaho sa Bulacan dahil sa pagsasara ng may 412 na mga establisemento. 

Iba pa rito ang mahigit dalawang libong natanggal sa trabaho dahil sa pagpapairal ng retrenchment sa 196 na establisemento.

Target din ng DOLE na unti-unting maibalik sa normal ang trabaho ng mahigit 20 libo pang mga manggagawa na naapektuhan ng pagbabawas ng sahod dahil sa ipinatupad na flexible working arrangement ng 340 na mga establisemento sa Bulacan.

Ito ang sistema kung saan ginawang salitan ang pagpapasok sa mga manggagawa sa isang partikular na establisemento. 

Ito’y upang masunod ang social distancing at makatipid sa pagpapasahod dahil humina ang kita sa halip na alisin sila sa trabaho.

Ipinaliwanag ni Gozun na sa pamamagitan ng NERS, mas paiigtingin ang pagtutulungan ng pamahalaan, employers at mga empleyado kung paano maibabalik at madadagdagan ang mga trabaho sa pamamagitan ng mas malakas na tripartism, madalas na pagsasagawa ng mga jobs fair bilang labor facilitations at ang wage subsidies.

Habang isasakatuparan ang NERS, patuloy ang pagkakaloob ng iba’t ibang tulong ng DOLE Bulacan para sa nasabing mga manggagawang apektado. 

Una na rito, umabot na sa 276.6 milyong piso ang halagang naipagkaloob sa may 55,126 na mga manggagawa na lubos na naapektuhan nitong pandemya. 

Sila ay pawang tinulungang mag-apply ng kanilang mga employers na umaabot sa 2,535. 

Tig-limang libong pisong ayuda ang ipinagkaloob sa bawat isa sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP na pinondohan ng Bayanihan 1 at 2 stimulus packages.

Iba pa rito ang 83.7 milyong piso na ibinigay sa may mahigit na 16 libong mga manggagawa sa industriya ng turismo sa Bulacan sa ilalim ng Department of Tourism-DOLE CAMP. 

Mayroon ding 341 na mga indibidwal ang diretsong nag-aaply sa CAMP na nakakuha ng kabuuang 1.7 milyong piso.

Para naman sa mga nasa informal sector, 9,738 na mga mahihirap sa iba’t ibang barangay ang binigyang ng agarang trabaho sa ilalim ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Disadvantaged/Displaced Workers.

Umabot sa 40.8 milyong piso ang ginugol dito ng DOLE upang mabigyan ng tig 4,200 piso na pasahod ang 9,738 na mga benepisyaryo na pinaglinis ng iba’t ibang pagawain sa barangay. 

Nakinabang naman ang 100 mga micro, small and medium enterprises sa idinaos na Productivity 101 Seminar ng DOLE Bulacan.

Samantala, may nauna nang 3,568 na mga Bulakenyong Overseas Filipino Workers o OFW ang napagkalooban ng tig-sampung libong piso sa ilalim ng Abot-Kamay ang Pagtulong o AKAP. Sinundan ito ng panibagong 224 na OFWs.

Bukod sa AKAP, may one-time financial assistance na tig-30 libong piso ang ibinigay ng DOLE sa 477 na pamilya ng mga OFWs na lubos na naapektuhan ng pagkawala ng trabaho ng kanilang kaanak. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews