Mahigit 600 hog raisers sa Dinalupihan, mabibiyayaan ng P16M ayuda mula sa DA

Nasa mahigit animnaraan o 600 hog raisers na naapektuhan ng African swine fever ang mabibiyayaan ng programang African Swine Fever o ASF Indemnification Program ng Department of Agriculture (DA) sa bayan ng Dinalupihan, Bataan. 

Sa naging news briefing nitong Biernes sa Bulwagan ng Bayan ay iniulat ni Dinalupihan Mayor Maria Angela “Gila” Garcia na ang first batch na binubuo ng 262 backyard raisers ay nagsimula nang makatanggap ng ayuda o financial assistance na P5,000 sa bawat na-cull o pinatay na malaking baboy.

Dagdag pa ng punong bayan, bago pa dumating ang pandemiya ng coronavirus disease, ay matatandaang nanalanta muna ang mapaminsalang ASF sa mga baboy sa 11 bayan at isang component city ng Bataan.

“Nasa mahigit 3,000 malalaking baboy sa loob ng isang kilometro ang nade-populate sa Dinalupihan. Ito ang pinakamahirap na pinagdaanan ng mga nag-aalaga ng baboy sa ating bayan at marapat lamang na mabigyan sila ng tulong,” pahayag ni Mayor Gila.

Samantala, iniulat naman ni municipal administrator Rolly Rojas, na 618 ang lahat ng hog raisers na naapektuhan ng ASF sa Dinalupihan kaya’t aabot sa P16 milyon ang halaga ng ipamamahaging financial assistance.
Iniulat din ni Mayor Gila na buhat nang magsimula ang Covid-19 pandemic mula Marso hanggang sa kasalukuyan ay patuloy naman ang isinasagawang animal dispersal ng DA tulad ng baka, sisiw, kalabaw, kambing, at itik bilang alternative livelihood ng mga tinamaan ng ASF.

Bilang pangulo ng League of Municipalities Bataan Chapter ay umapela rin si Mayor Garcia sa DA na isunod na rin ang pagbibigay ng ayuda sa ilalim ng ASF Indemnification Program sa iba pang mga bayan sa lalawigan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews