Mahigpit na physical distancing sa TESDA trainings, tiniyak

LUNGSOD NG MALOLOS — Magpapatupad ng mahigpit na physical distancing ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa mga training for work program nito, bilang pagtalima sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Iyan ng tiniyak ni Bulacan Provincial Director Jovencio Ferrer sa nakatakdang pagsisimula ng TESDA-San Miguel Corporation Skills Training kaugnay ng proyektong New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.

Ang magiging sistema, magkakaroon lamang ng 48 porsyento na kapasidad sa isang klase. 

Ibig sabihin, 12 katao lamang ang tatanggapin sa kada isang klase sa isang partikular na kurso. Gagawin ding sampung araw na lamang ang itatagal ng isang pagsasanay.

Pagsusuotin ng mga Personal Protective Equipment ang mga mag-aaral na trainee at ang kani-kanilang mga trainers sa oras ng kanilang training. 

Binigyang diin naman ni Ferrer na dahil sa pagpapasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine ang lalawigan, maglalaan ng mga shuttle transport services upang ihatid at sunduin ang mga trainees.

Bahagi rin ng kasunduan ng TESDA at San Miguel Corporation ang sistema ng pagkain ng mga trainees at trainers. 

Ihahanda ang mga pagkain bilang isang food pack at ipamamahagi na lamang sa mga trainee upang maiwasan ang umpukan sa kantina.

Iba pa rito ang ilalatag na minimum health protocols gaya ng thermal scanner at alcohol dispensers sa main gate ng TESDA Regional Training Center sa Guiguinto at sa bawat pasukan sa mga training shops nito.

Kapapalooban ang pagsasanay ng limang iba’t ibang competencies gaya ng welding, electrical installation and maintenance, dressmaking, cooking at heavy equipment operation. 

Bukas ang nasabing mga kurso sa mga indibidwal na may edad 21 pataas upang mabigyan ng kasanayan para matanggap sa mga trabahong mabubuksan sa proyektong NMIA. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews