Maigting na pagsugpo sa COVID-19, inilatag sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Naglatag ang pamahalaang panlalawigan ng iba’t ibang pamamaraan upang mapaigting ang pagsugpo at hindi pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19 sa Bulacan.

Una na riyan ang pagbabawal muna nang pagdaraos ng mga malalaking pagtitipon bilang pag-iingat na makasagap o makahawa.

Ito ang pangunahing laman ng Memorandum No. 031020-91 na ipinalabas ni Gobernador Daniel R. Fernando, upang ipatupad ang Proclamation 922 ni Pangulong Duterte na nagpapasailalim sa buong bansa sa State of Public Health Emergency.

Ayon sa gobernador, ipagbabawal ito habang umiiral ang nasabing proklamasyon para tiyakin na hindi na lalong lumaganap ang COVID-19 at manatili ang magandang antas ng kalusugan ng mga Bulakenyo.

Kaakibat nito, inuutusan din ang mga pampubliko at pribadong ospital na iulat ang anumang Influenza-like Illness at Severe Acute Respiratory Infection na matutukoy.

Nagpahayag si Fernando na huwag magkalat ng anumang mga maling impormasyon kaugnay ng COVID-19.

Gayundin ang pagpapaalala sa mga Bulakenyo na tanging sa Department of Health lamang dapat maniniwala sa mga impormasyong may kinalaman sa nasabing sakit.

Tinukoy naman sa memorandum na ito ng Kapitolyo ang mga partikular na dapat gawin ng mga punong lungsod, punong bayan at mga punong barangay. 

Kabilang diyan ang pagpapalakas sa city/municipal inter-agency task force at mga barangay health emergency response team. 

Layunin nito na mas paigtingin ang pagmamatyag sa komunidad at pagsasagawa mga karampatang preemptive measures.

Kinakailangan din na may tukoy o mark vehicle at tsuper na magdadala ng mga pasyenteng makikitaan ng mga sintomas ng COVID-19 sa mga referral hospital at centers ng Department of Health.

Sinasabi rin sa memorandum na ito ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa pagbili ng mga personal protective equipment, face mask, gloves, alcohol at mga disinfectant na iuukol para magamit ng mga health workers sa lalawigan.

Kaya naman itatakda ang isang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan upang mapag-usapan at mapagtibay kung magkano ang ilalaan sa nasabing pag-uukulan.

Kaugnay nito, sinabi ni Provincial Health Officer Jocelyn Esguerra-Gomez na bilang pagtugon sa ipinalabas na memorandum, inaatasan ang mga city at municipal health officers na pangunahan ang angkop at wastong information dissemination tungkol sa COVID-19.

Pangunahin dito ang pagkampanya na palaging maghugas ng kamay, paggamit ng sabon at sanitizer o kaya alcohol; huwag paghawak sa mukha o anumang bahagi nito; takpan ang bibig at ilong ng tisyu o panyo kapag umuubo o bumabahing; at pati ang pagluluto nang husto sa mga kakaining karne.

Kasama rin ang madalas na pag-inom ng tubig; pagtulog sa tamang oras; pagkain ng masusustansiyang pagkain; panatilihing malinis ang kapaligiran at tahanan; at huwag makisalamuha sa mga hayop.

Samantala, ipinag-uutos sa lahat ng mga rural health unit na magkaroon ng triage temporary holding areas. 

Sa tulong naman ng mga barangay, kinakailangang isailalim sa 14 na araw na home quarantine ang lahat ng mga Bulakenyong balikbayan at Overseas Filipino Workers na uuwi sa lalawigan. 

Kung may mga matutukoy na wala pang 14 na araw ay hindi sumailalim sa home quarantine, partikular na ang mga may sintomas, ipapairal ang contact tracing.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews