LUNGSOD NG CABANATUAN — Sa paggunita ng ika-125 anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija ay binalikang tanaw at inilahad ang makulay na kasaysayan ng lalawigan.
Ayon kay Rommel Espejo, propesor sa Nueva Ecija University of Science and Technology at kilalang eksperto patungkol sa pag-aaral ng kasaysayan ng lalawigan, sa paggunita ng nakaraan ay mahalagang ugatin ang mga naganap at dinanas ng mga mamamayang naging bahagi ng kasaysayan ng Nueva Ecija.
Aniya, tuwing sasapit ang ika-dalawa ng Setyembre ay ginugunita ang pagdiriwang ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija na kung saan ay dapat lamang na damhin at kilalanin ang mahalagang kontribusyon ng mga bayaning nagkamit ng kalayaan para sa lalawigan na kalaunan ay naging bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
Inilahad ni Espejo, nang naitatag ni Gat Andres Bonifacio ang katipunan ay na-organisa din ang katipunan sa Nueva Ecija noong Setyembre 1, 1896 sa pamamagitan ni Heneral Pantaleon Valmonte ng Gapan, ang kauna-unahang miyembro ng katipunan sa lalawigan na sinundan nina Heneral Mariano Llanera, Heneral Manuel Tinio, Heneral Mamerto Natividad, at marami pang personalidad na talagang nakasulat sa kasaysayan ng Pilipinas.
Noong nalaman ng mga kastila na mayroong na-organisang katipunan sa Nueva Ecija ay ipinag-uutos na mag-ulat agad si Valmonte sa tanggapan ng gobernador sa San Isidro ngunit kaniyang ipinakiusap na ipagpabukas ang pagkikita.
Noong araw din na yon ay nakipagkita si Valmonte kay Heneral Llanera ng Cabiao upang ibalita na nalaman na ng mga kastila ang nabuong katipunan sa lalawigan, kung kaya’t bumuo sila ng taktika upang lusubin ang imbakan ng tabako sa San Isidro.
Dahil aniya sa poot at galit ng mga Nobo Esihano noon sa naranasang pang-aalipusta ng mga kastila mula sa pagkamkam sa lahat ng kita sa tabako, sa hindi pagtrato ng patas, ay nag-alsa at mabilis na nakaipon ng mga katipunerong magsasaka sa lalawigan.
Dala lamang ay itak, sibat, pamalong kahoy at iilang may baril ay lumusob ang mga katipunero sa San Isidro para makipagtunggali sa mga kastila.
Ngunit ano ang laban ng mga katipunerong magsasaka sa malalakas na armas ng mga kastila? Kung kaya’t itinaon nila na alas-tres ng hapon ang paglusob na oras ng pamamahinga ng mga kalabang kastila.
Nanghingi pa ng tulong ang mga kastila ng karagdagang puwersa mula sa Maynila ngunit nadagdagan din ang mga katipunero, galing sa Cabanatuan at Jaen na nagkaisa para sa tagumpay ng Nobo Esihano.
Ayon pa kay Espejo, dahil sa makulay at mahalagang kasaysayan ay napasama ang Nueva Ecija na kumakatawan sa isa sa mga sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas.
Aniya, itong kasaysayan ng lalawigan ang dapat na ituro sa mga kabataan dahil ang lahing Nobo Esihano ay bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas na nabuo dahil sa paghihimagsik ng mga bayaning sina Llanera, Valmonte, Tinio, Natividad at mga kasamahan.
Pahayag ni Espejo, ang Unang Sigaw ng Nueva Ecija ay tagumpay at kagitingan ng lahi. Ang Unang Sigaw ng Nueva Ecija ay ang kalayaan ng ating lahi, matagumpay na pamumuno ng mga lider at maayos na pamumuhay ng mga mamamayan.