LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nanawagan si Gobernador Lilia Pineda sa mga lokal na tanggapang pangkalusugan sa Pampanga na paigtingin ang malawakang pagbabakuna at pamamahagi ng wastong impormasyon kontra tigdas.
Binigyang-diin ng Gobernador ang kahalagahan ng pagbabakuna at hinikayat ang publiko na pabakunahan ang kanilang mga anak lalo na at libre at ligtas naman ito.
Samantala, sinabi ni Provincial Health Office Chief Dr. Marcelo Jaochico na suportado ng lalawigan ang pagbabahay-bahay ng mga health workers sa pagbabakuna upang matiyak na protektado ang mga bata laban sa mga sakit.
Bukod sa pagbabakuna, nagbigay din si Pineda ng kautusang ilipat ang mga pasyenteng may tigdas sa bagong tayong Diosdado P. Macapagal Memorial Hospital Annex sa bayan ng San Luis para sa mahigpit na pagsubaybay, pagmamasid at pagsusuri upang maiwasang maging epidemya ang naturang sakit.
Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na naipapasa sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo at pakikisalamuha sa taong may sakit. Ubo, sipon, pamumula ng mata, lagnat at pagkakaroon ng mapupulang pantal ang karaniwang sintomas nito.
Kabilang sa mga komplikayon nito ang pagtatae, impeksyon sa tenga, encephalitis, malnutrisyon, pagkabulag at pagkamatay.