SAMAL, Bataan — Nasa 16 na maliliit na negosyante mula sa Barangay Ibaba at Tabing Ilog sa bayan ng Samal ang tumanggap ngayong araw ng livelihood kits o kagamitang pangkabuhayan mula sa Department of Trade and Industry o DTI.
Sa magkahiwalay na paglulunsad sa dalawang barangay, sinabi ni DTI Provincial Director Nelin Cabahug na ang programang Negosyo Serbisyo sa Barangay o NSB ay naglalayong paunlarin ang mga microentreprenuers o maliliit na nagnenegosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kinakailangang kagamitan at serbisyo mula sa DTI.
Aniya, ang programa ay inilunsad muli para makatulong sa mga apektadong negosyante sa naturang mga lugar buhat ng kasalukuyang krisis dulot ng pandemyang COVID-19.
Ibat ibang kagamitang pangkabuhayan na hindi aabot sa 5,000 piso kada kit ang binigay sa bawat benepisyaryo na lubos na magagamit sa kanilang negosyo tulad ng sari-sari store, tapahan, gawaan ng mga minatamis na pagkain, at iba pang food at non-food products.
Ang Barangay Development Council ang siyang nagsala ng mga residente upang tukuyin kung sino ang karapat-dapat na mapasama sa programa na higit na naapektuhan ng pandemya.
Buo naman ang suportang binigay ni Mayor Aida Macalinao, kung saan naglaan siya ng pondo mula sa kanyang sariling donation drive para makatulong sa puhunan ng mga benepisyaryo ng programa.
Lahat ng mga benepisyaryo ng NSB sa Samal ay makakatanggap ng 3,000 piso na aniya ay dapat gamitin lamang bilang puhunan upang mapalawig pa ang negosyo.
Dagdag pa nito, susuriing mabuti ang bawat negosyo na nakinabang sa programa upang malaman ng DTI kung ano pa ang mga kakailanganin ng mga benepisyaryo sa hinaharap at matulungan pa ang mga ito.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa DTI at kay Macalinao sa suportang pangkabuyahan na natanggap nila, at nangako sila na pagsusumikapan nilang palaguin ang kanilang negosyo.
Ayon kay Julieta Tapia, isa sa mga benepisyaryo mula sa barangay Ibaba, ang mga natanggap niyang gasul, kalan, kawa at iba pang gamit ay malaking tulong sa kanyang negosyong pagtatapa.
Bago pa man ang dalawang barangay, nauna nang nalunsad ang programa sa mga barangay ng Gugo, Palili at Imelda sa Samal nitong nakaraang taon.
Nasa natatayang 16 na barangays o 128 na benepisyaryo ang target ng DTI sa NSB mula sa ibat ibang bayan at nag-iisang lungsod sa Bataan na ilulunsad hangang Hulyo ngayong taon.