LUNGSOD NG MALOLOS — Binuksan na sa publiko ang Phase 2 ng Malolos Central Transport Terminal.
Tinagurian ang bagong tayong dalawang palapag na gusali bilang isang “terminal hub” dahil kumpleto ito sa mga establisemento at pasilidad na kailangan ng karaniwang pasahero mula sa mga kainan na food chain o food court, kapihan, supermarket, retail stores, health and wellness at disenteng palikuran ay matatagpuan dito.
Ayon kay Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian, pagpapatuloy ito sa unang bahagi ng itinayong Malolos Central Transport Terminal noong Oktubre 2015 at napasinayaan noong Enero 2018.
Ipinaliwanag pa ng punong lungsod na layunin nito na mabigyan ng komportable, ligtas at maaasahang terminal ang mga mamamayan ng Malolos gayundin ang lahat ng tao na sumasadya sa lungsod.
Bilang kabisera ng Bulacan, ang Malolos ay nagsisilbing “end-point” o pangunahing destinasyon ng mga ruta ng dyip. Kabilang diyan ang mga dyip na galing sa mga lungsod ng Meycauayan at sa Muzon sa San Jose Del Monte na nasa timog silangan ng Bulacan gayundin ang mga galing sa pusod ng lalawigan gaya ng mga bayan ng Marilao, Pulilan at Plaridel.
Iba pa rito ang mga UV Express na papuntang San Fernando, Clark Freeport at Dau sa Pampanga.
Ang Malolos Central Transport Terminal ay isang Public-Private Partnership project na pinasok ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at ng konsesyonaryo nitong Malolos Terminal and Commercial Hub Inc.
Pinagkalooban ang pribadong kumpanya ng konsesyonaryo ng 25 taon upang mamuhunan at mamahala sa operasyon ng nasabing terminal. Kaya’t ayon kay Crispina Salazar, deputy city treasurer ng Malolos, nagbabayad ang pamahalaang lungsod ng 100 libong piso kada buwan sa Malolos Terminal and Commercial Hub Inc. hanggang sa matapos ang panahon ng konsesyon.
Bukod dito, kasama sa concessional agreement ang pagpapahintulot sa konsesyonaryo na maglagay ng mga pwesto para sa mga komersyal na establisemento upang doon bawiin ang puhunan.
Nagresulta ito sa hindi pagpapataw ng terminal fee sa bawat pampublikong sasakyan na gumagamit sa Malolos Central Transport Terminal at hindi pagtaas ng pamasahe.
Itinayo ito sa dalawang ektaryang bahagi ng 10 ektaryang Malolos City Government Center.
Samantala, ayon kay Rachel Dela Cruz, tenant relation officer ng konsesyonaryo, may mahigit sa 70 mga stalls o pwesto ang kasabay na binuksan sa loob nitong pasilidad.