
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Naging matagumpay ang pormal na pagbubukas ng ‘Iskulimpiks 2025’ na sinaksihan nina Senadora Risa Hontiveros, dating senador Bam Aquino at Atty. Chel Diokno Naginanap sa Malolos Sports and Convention Center noong Pebrero 21.
May temang “Pagpapatuloy ng Kasaysayan, Kahusayan at Kadakilaan,” ang Iskulimpiks ay isang paligsahan na naglalayong palakasin ang pagkakakilanlan ng kabataang Pilipino sa pamamagitan ng palakasan, sining, at agham. Ito ay bahagi ng selebrasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ng “Fiesta Republika”.
Ang naturang paligsahan ay nilahukan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa bawat distrito sa lungsod, kung saan ipinakita nila ang kanilang husay at galing sa iba’t ibang larangan.
Bukod sa palakasan, tampok din sa patimpalak ang mga kompetisyon sa sining at agham na layong palakasin ang pagpapahalaga ng kabataan sa kultura at kasaysayan ng bansa.
Binigyan ni Senadora Hontiveros ng komendasyon ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa patuloy na pagsulong sa pagmamahal sa mayamang kultura ng Pilipinas.
“Hindi lang ito basta patimpalak (Iskulimpiks). Ito’y pagkakataon na mas palalimin pa ang ating ugnayan sa ating kasaysayan, mga kultura at sa isa’t isa, ang mga larong ating nilaro, ang mga musikang ating pinakikinggan , ang ating sayaw, wika, at samahan, lahat ito ay nagpapatunay na ang ating pagka-Pilipino ay hindi lamang nasa ating dugo, ang pagiging Pilipino ay nasa ating mga puso,” ani Hontiveros.

Ayon naman sa dating Senador Bam Aquino, na muling tumatakbo sa Senado sa darating na halalan sa Mayo, dahil sa kanyang ginawang batas, na libreng kolehiyo, milyun-milyon na ang natulungan nakinabang at natulungan nito.
Ayon kay Aquino, mahalaga rin umano ang magkaroon ng reporma sa edukasyon at mas palalakasin pa ang batas sa libreng kolehiyo kung sakaling siya ay papalaring manalo sa pagka-senador.
“Lahat ng kailangan ng mga kabataan, mga kabataang Bulakenyo para makapagtapos ng kolehiyo ay sisikapin po nating maibigay sa inyo.Dahil ang nasa puso ni Bam Aquino, ang bawat isang kabataang Pilipino na nais makapagtapos, nais makuha ang trabahong kailangan natin para makatulong sa ating pamilya at para umangat tayo sa ating estado. Ang lahat ng kailangan po natin dapat ay tinutulungan ng gobyerno,” dagdag pa ni Aquino.
Buong puso namang binati ni Diokno, isang educator, manananggol at isa sa mga nominee ng Akbayan Part-list, ang mga kabataang kalahok sa Iskulimpiks at hangad niya na manalo ang bawat kasali sa mga paligsahan.
Ilan sa mga aktibidad na isasagawa at paglalabanan ng mga kalahok ay ang Karera ng Kasaysayan, Laro ng Lahi, Bakbakan sa Kasaysayang, Republikawitan (Songwriting Competition), Sabayang Bigkas, Kasaysayawan, Bakbakan sa Kasaysayan (Digital Quiz Bee) at Pagtatanghal sa mga nagwagi sa G. at Bb. Idolo ng Kampus.
Dumalo at nakiisa sa nasabing okasyon sina Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista, Konsehal Troi Aldaba III, Konsehal John Vincent “JV” G. Vitug III, Konsehal Michael “Ninong” M. Aquino, Konsehal Emmanuel “Noel” R. Sacay, Chief of Staff Fernando Durupa, Nanunuparang Pinuno ng Arts, Culture, Tourism and Sports Gertudes N. De Castro, Deputy OIC Rommel Santiago at Schools Division Superintendent (SDS) na si Dr. Leilani Cunanan, CESO V.
PINANGUNAHAN nina Senadora Risa Hontiveros, dating Senador Bam Aquino at Atty. Chel Diokno kasama sina Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista, Konsehal John Vincent “JV” G. Vitug III (bahagyang natakpan) at Chief of Staff Fernando Durupa ang pagbubukas ng “Iskulimpiks 2025” nitong Biyernes, (Feb. 21) sa Malolos Sports and Convention Center bilang bahagi ng pagdiriwang ng Febpublika 2025.