Magsisimula ang unang biyahe ng mga tren ng North-South Commuter Railway o NSCR Project Phase 1 sa inisyal na ruta nito mula Malolos hanggang Valenzuela sa Disyembre 2021.
Iyan ang ibinalita ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa magkasunod na inspeksyon sa kasalukuyang konstruksyon ng Meycauayan Station at sa depot o magiging garahe ng mga tren na matatagpuan sa hangganan ng barangay Bangkal sa lungsod ng Meycauayan at Malanday sa lungsod ng Valenzuela.
Ipinaliwanag naman ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan na dahil nasa Valenzuela ang depot, magmumula rito ang mga tren papunta sa Malolos at pabalik.
Ibig sabihin, magiging inisyal na biyahe ng tren ang paghinto sa mga istasyon ng Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto at sa Malolos.
Sisimulan na rin ang paglalatag ng mga riles ng NSCR na at-grade o iyong nakababa sa lupa.
Tatakbo ito sa ilalim ng bagong tayong NLEX-North Harbor Link elevated expressway sa bahagi ng Valenzuela hanggang Caloocan. Magiging elevated ulit mula sa isang bahagi ng Caloocan hanggang sa Tutuban.
Target naman sa taong 2022 na makatakbo ang mga tren ng NSCR Phase 1 sa kabuuang 38-kilometrong ruta nito mula sa Malolos hanggang sa Tutuban.
Sa kasalukuyan, naitayo na ang mga poste sa dadaanan ng NSCR Phase 1 sa lungsod ng Meycauayan habang ikakalso na ang mga fabricated girders sa magiging Meycauayan station.
Naibaon na rin ang pundasyon ng magiging poste ng Marilao station at inihahanda na ang pagtawid ng elevated railway track sa Marilao-Meycauayan-Obando River System.
Sunud-sunod na ring naitayo ang mga poste sa Bocaue, Balagtas at Guiguinto. Nagkakahugis naman ang mga magiging Balagtas station at ang Malolos station.
Bilang paghahanda sa partial operability sa Disyembre 2021, sinabi pa ni Tugade na nakatakda sa Setyembre 2021 ang installation ng Train Simulator bilang bahagi ng training ng magiging mga drayber ng tren. Magiging bahagi ito ng itinatayong Philippine Railways Institute.