LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nakinabang mula sa tulong pangkabuhayan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang mga mangingisda mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya.
Tumanggap ang mga mangingisda ng 132,000 tilapia fingerlings at 120,000 bangus fingerlings bilang bahagi ng programang “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat” o ALPAS ng ahensya.
Samantala, sa ilalim naman ng programang “Balik Sigla sa Ilog at Lawa” o BASIL, binigyan sila ng BFAR ng karagdagang 5,000 carp fingerlings.
Ayon kay BFAR Regional Director Wilfredo Cruz, paraan ang nasabing tulong upang bigyang pugay ang sipag ng mga mangingisdang makapagbigay ng pagkain sa bawat Pilipino, lalo na sa gitna ng kasalukuyang pandemya.
Aniya, walang ibang paraan upang kilalanin sila kundi sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang madagdagan ang kanilang kita.
Nakinabang mula sa nasabing ayuda ang mga mangingisda mula sa bayan ng Apalit, Lubao, Sasmuan, Macabebe at Masantol.
Nagsagawa rin ng kaparehong interbensyon ang BFAR sa mga lalawigan ng Tarlac at Bataan.