LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Mas marami ang gumagaling kaysa sa namamatay sa COVID-19 sa San Jose Del Monte.
Sa panayam sa programang Network Briefing News, sinabi ni Mayor Arthur Robes na 2,615 na ang gumagaling sa kabuuang 3,671 na tinamaan ng naturang sakit sa lungsod habang nasa 169 na mga indibidwal ang namatay.
Sa kasalukuyan, may 887 ang active cases ang siyudad.
Para mapanatili na mas marami ang gumagaling sa COVID-19 sa lungsod na ito, puspusan ang ginagawang pagbabakuna.
Katunayan, nasa 90 porsyento na ng mga healthcare workers ang nabakunahan na sa San Jose Del Monte.
Sinisimulan na rin ang pagbabakuna sa mga senior citizen at indibidwal na may comorbidities.
Kaugnay nito, nauna nang sinabi ng punong lungsod na bahagi ng 100 milyong piso na COVID-19 Fund ng San Jose Del Monte ay inilaaan upang ipambili ng nasa 50 libong doses ng bakuna.
Patuloy ang ginagawang negosasyon para rito upang punan ang suplay na ipinapadala ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng Department of Health.
Samantala, tiniyak naman ni Robes na maibibigay sa lahat ng nasa 596 libong benepisyaryo ang mga ayuda bago ang Mayo 15.
Nasa 37% na ang nabibigyan ng ayuda sa lungsod na mula sa halagang 596.8 milyong pisong ipinadala ng Department of Budget and Management.
Ito ang pinakamalaking alokasyon ng ayuda para sa mga naapektuhan ng ipinairal na Enhanced Community Quarantine nitong Marso 2021 saan mang mga bayan at lungsod sa Bulacan.