LUNGSOD NG MALOLOS — Binigyang pugay sa katatapos na Ika-Apat na Provincial Conference ng mga Public Librarians ng Bulacan si Mariano C. Ponce na instrumental sa pagkakaroon ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas.
Ayon sa historyador na si Jaime Veneracion na isa sa mga tagapagsalita sa nuturang kumperensya, matagumpay na naisulong ni Ponceang pagtatatag ng isang Biblioteca Nacional oPambansang Aklatan noong siya’y diputado ng Asamblea Nacional de Filipinas sa mga taong 1910-1912.
Katumbas ng pagiging diputado ang posisyong kinatawan o kongresista sa kasalukuyang panahon.
Naglaan ng 300 libong piso ang Asamblea para sa pagtatayo ng isang gusali na gagamitin bilang Biblioteca de Filipinas.
Matatagpuan aniya ang kumpletong katitikan o Diario de Seciones ng Asamblea tungkol dito sa arkibo ng University of Santo Tomas.
Ipinaliwanag ni Veneracion na pangunahing konsepto ni Ponce sa pagtatayo ng Pambansang Aklatan ay ang pag-iipon ng mga sulat at dokumento ng mga bayani na may ambag sa pagkamit ng Kalayaan ng bansa.
Sa orihinal na plano, itatayo dapat ang gusali ng Pambansang Aklatan sa tinayuan na Legislative Building ng Pamahalaang Commonwealth.
Pagdating ng 1954, binuo ni Pangulong Ramon Magsaysay ang isang komisyon para sa Ika-100 Taon ni Dr. Jose P. Rizal kung saan kabilang sa kanilang mandato ang pagtatayo ng sariling gusali ng Pambansang Aklatan.
Pinasinayaan ni Pangulong Carlos P. Garcia ang kasalukuyang gusali ng Pambansang Aklatan noong Hunyo 19,1961.
Ang naturang kumperensya ay bahagi ng mga aktibidad sa paggunita ng buong bansa ngayong Mayo 23 ng ika-100 taong anibersaryo ng kamatayan ni Ponce na taga bayan ng Baliwag. (CLJD/SFV-PIA 3)