Hangad ng pamahalaang panlalawigan na mapabilis ang rollout ng pagbabakuna laban sa COVID-19 nang makamit na ang herd immunity upang magkaroon ng mas ligtas at mas masayang pasko ang mga Bataeño.
Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng ika-20 vaccination site sa Bataan na matatagpuan sa bayan ng Limay, sinabi ni Governor Albert Garcia na mahalaga na maraming vaccination sites sa lalawigan upang mas mapabilis ang pagbibigay ng proteksyon sa bawat mamamayan.
Sa ngayon aniya ay mayroon nang mahigit 200,000 indibidwal na nakatanggap ng kanilang una at ikalawang dose at sa mga susunod na linggo ay inaasahan pa ang pagbubukas ng iba pang mga vaccination sites.
Dagdag pa niya na sa pagdami ng mga vaccination sites at patuloy na pagdating ng mga bakuna mula sa Department of Health ay makakamit ng lalawigan ang herd immunity sa loob ng tatlong buwan.
Kasabay nito ay nangako si National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon sa pagdating ng 50,000 doses ng bakuna ngayong linggo.
Nitong Hulyo ay naglabas ng mga karagdagang hakbangin ang Kapitolyo upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung saan ang ilan ay kumpirmadong Delta variant. (CLJD/CASB-PIA 3)