Mas mahigpit na checkpoints ipatutupad sa Bataan simula Sept. 14

Bilang agarang tugon sa pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Bataan, pinirmahan ni Bataan Governor Albert Garcia ang IATF Resolution No.19 series of 2020. 

Ayon kay Governor Garcia, ang naturang resolusyon ay magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga checkpoints papasok sa Bataan simula sa ika-14 ng Setyembre 2020 sa pamamagitan ng paghingi ng mga karagdagang dokumento mula sa mga Authorized Persons Outside Residence (APOR), locally stranded individuals at returning overseas Filipinos o ROFs.

llan sa mga kailangang paghandaang dokumento ay ang negative RT-PCR test kasama ang contact details ng klinika o hospital na nagsagawa nito; medical certificate galing sa municipal o city health office ng pinanggalingang lugar; return to work order o call to work order, valid ID at certificate of employment. 

“May mga pagkakaiba-iba po ang mga dokumentong hihingin, depende sa inyong kategorya  bilang APOR, LSI o ROF,  kung kaya’t iminumungkahi  na basahin ang kabuuan ng Resolution,” dagdag pa ni Gov. Garcia. 

Aniya, mahigpit niyang pinaaalalahanan ang mga kababayang uuwi sa Bataan na paghandaan ang mga dokumentong kailangang ipakita sa checkpoint. Ayon pa kay Garcia, napag-alaman kasi ng Bataan IATF na karamihan sa mga naging bagong kaso ng Covid-19 sa Bataan ay pawang nagmula sa mga APOR, LSIs at ROFs. 

“Hinihingi ko po ang inyong malawak na pang-unawa sapagkat hindi po kakayanin ng ating Lalawigang harapin ang krisis na ito na wa lang pakikiisa ang mga mamamayan.Muli, ibayong pag-iingat po para sa lahat,” sabi pa ng Gobernador. 

Samantala, umalma naman ang karamihan sa naging desisyong ito ng Bataan IATF. 

Sa post ni Governor Abet Garcia sa kanyang Facebook Fan Page ay nagpahayag ng pagtutol ang ilang mga netizens dahil anila sa pangunahing requirements na hihingin kagaya ng RT-PCR test, na hindi anila biro ang halaga lalo na sa mga workers na maliit o nasa minimum wage lang ang kita. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews