Mas malaking bagsakan ng gulay at prutas sa Malolos, binuksan

LUNGSOD NG MALOLOS — Inilipat sa mas malaking espasyo ang bagsakan ng mga gulay at prutas sa Malolos.

Mula sa limitadong espasyo sa may Malolos Central Transport Terminal, inilipat ang bagsakan sa tatlong magkakatabing basketball courts na nasa harap ng Malolos Sports Convention Center na ilang metro lamang mula sa dating lokasyon.

Sinabi ni Lito Zuniga, Market Master ng Pamilihang Lungsod ng Malolos, ito’y upang matiyak na nasusunod ang social distancing ng mga wholesalers at lalong maseguro ang suplay ng mga sariwang gulay at prutas sa lungsod habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine.

May mahigit sa 20 mga trak ng gulay mula sa rehiyon ng Cordillera at mga prutas na mula sa Batangas ang nagbabagsak ng mga pananim sa Malolos tuwing gabi. 

Nagsisimula ang oras ng bagsakan mula alas-otso ng gabi hanggang sa madaling araw. 

Ang sistema, dito hinahango ng mga wholesalers ng gulay at prutas at saka naman ibibiyahe patungo mismo sa pamilihang lungsod.

Pinaalalahanan naman ni Zuniga ang mga mamimili na huwag sumadya sa nasabing bagsakan. 

Tanging mga wholesalers lamang ang pinahihintulutan na pumunta rito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews