Mass testing, isasagawa sa Gapan

LUNGSOD NG GAPAN (PIA) — Magsasagawa ng mass testing ang pamahalaang lungsod ng Gapan para sa mga hinihinalang may coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay Mayor Emerson Pascual,  bumili ang pamahalaang lungsod ng 3,000 rapid testing kits na kung saan 45-minuto lamang ang hihintayin ay malalaman na ang resulta kung positibo sa naturang sakit. 

Uunahing isailalim sa eksaminasyon ang mga Persons Under Monitoring, ang mga suspect at probable cases na mga nakararanas ng sintomas ng COVID-19 gayundin ang mga health at frontline workers sa lungsod. 

Pahayag ng alkalde, layunin ng mass testing na maiwasan at maagapan ang pagkalat ng COVID-19 sa siyudad.

Ayon pa kay Pascual, kung positibo ang resulta ng eksaminasyon ay kinakailangang ihiwalay agad sa pamilya ang pasyente na dadalhin sa quarantine area gayundin ay sasailalim ulit sa confirmatory test na manggagaling naman sa Department of Health.

Isasailalim din sa rapid testing ang pamilya at mga nakasalamuha ng mga magpopositibo sa COVID-19.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews