Match-up sa mga warehouse, malalaking lupa hinikayat ng DTI

Nanawagan ang Department of Trade and Industry o DTI sa may-ari ng mga warehouse at may malalaking bakanteng lupa sa Bulacan na makipag match-up sa Board of Investments o BOI.

Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, tumaas ang demand sa mga nangangailangan ng bakanteng malalaking lupa at mga warehouses mula nang maisabatas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law.

Nilagdaan ito ni Pangulong Duterte bilang Republic Act 11534 na magpapababa ng Corporate Income Tax mula sa kasalukuyang 30 porsyento hanggang 20 porsyento. 

Ipinaliwanag ni Dizon na marami pang nais mamuhunan sa Bulacan ngunit hindi matukoy kung saan partikular na ipupwesto. 

Kaya’t kinakailangan aniyang magkaroon ng pormal na match-up sa pagitan ng BOI, mga potensyal na mamumuhunan at mga may warehouse o lupang malalaki.

Ang BOI ay isang attached agency sa ilalim ng DTI na nangangasiwa sa mga nais maglagak ng puhunan at makatamo ng mga tax incentives. 

Sa punto ng pagpapatupad na sa CREATE Law, ani pa ni Dizon, ang mga special economic zones gaya ng First Bulacan Business Park ay inaasahang agad na mapupuno. 

Matatandaang idineklara ni Pangulong Duterte ang 25 ektaryang FBBP sa Malolos bilang special economic zone sa bisa ng Proclamation 1070.

Sa pagdadaos ng planong match-up, matutukoy kung saan-saang bayan o lungsod sa Bulacan may bakanteng malalawak na lupa at bukas na warehouses sa labas ng mga deklaradong special economic zone gaya ng sa Malolos at Santa Maria. 

Target dito ang mga mamumuhunang may pabrikang itatayo na magpapataas ng produktibidad ng lalawigan at magbubukas ng mga panibagong oportunidad sa trabaho. 

Isasagawa ang planong match-up sa mga susunod na buwan ng 2021.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews