Nagpositibo si Mayor Cipriano “Goto” Violago Jr. ng San Rafael, Bulacan sa COVID-19 base sa lumabas na resulta ng kaniyang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test nitong Linggo.
Inamin ng alkalde sa kaniyang Facebook account na siya ay sumailalim sa RT-PCR test at nagpositibo sa nasabing infectious disease.
Nabatid na nagsimulang makaranas ng flu-like symptoms si Violago nitong Sabado kung kayat agad na nagpa-swab test at base sa resulta ay positibo ito sa COVID-19.
“Kaya ngayon, akin pong ipinapaalam sa inyong lahat na ako ay nag-positibo sa sakit na COVID-19. Ako po ay naka-quarantine na mula noong nagsimula ang aking sintomas at patuloy ang aking koordinasyon sa ating Muncipal Health Office,” ayon kay Violago.
Umapela ang alkalde sa kaniyang mga kababayan na patuloy siyang ipagdasal at malagpasan ang pinagdadaanang health issue kasabay ng panawagang sumunod sa mga tagubilin ng IATF kaugnay ng pagpapairal ng health standard protocols para maiwasan ang paglaganap ng virus.
Tiniyak din nito na magpapatuloy ang operasyon ng pamahalaang lokal habang siya ay sumasailalim sa 14-day home quarantine.
Nabatid na si Mayor Violago ay ika-pitong alkalde sa Bulacan na tinamaan ng Covid-19 kabilang na rito sina Ferdie Estrella ng Baliuag; Vergel Meneses ng Bulakan; Eladio Gonzales Jr. ng Balagtas; Jose Santiago ng Bocaue, Carla Galvez-Tan ng San Ildefonso at Mayor Russel Pleyto ng Sta. Maria.