LUNGSOD NG CABANATUAN — Naging matagumpay ang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) ng Department of Health (DOH) sa Nueva Ecija.
Umabot sa 83.52 porsyento ng populasyon ng mga batang may edad 9 hanggang 59 buwan ang nabakunahan sa buong kampanya mula ika-1 ng Mayo hanggang ika-15 ng Hunyo 2023.
Inilahad ni DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa na nasa 194,284 ang kabuuang target population ng mga batang babakunahan sa lalawigan habang nasa 162,251 naman ang naitalang bilang ng mga batang nabakunahan.
Isinagawa ang naturang kampanya dahil sa nakakaalarmang bilang ng unvaccinated children sa buong Pilipinas, gayundin ang pagtaas ng kaso ng measles o tigdas sa bansa.
Pinaliwanag ni Espinosa na mahalaga ang pagpapabakuna ng mga bata dahil ito ang nagsisilbi nilang panglaban sa iba’t ibang sakit.
Aniya, tuluy-tuloy pa rin naman ang pagbibigay ng mga bakuna kahit tapos na ang kampanya.
Ang mga nagnanais magpabakuna ng mga anak ay maaaring makipag-ugnayan sa mga health worker o magtungo sa mga rural health unit. (CLJD/MAER-PIA 3)