‘Mensahe ng Pakikiisa’ ni Dating Mayor Edgardo Pamintuan

“Mga Mahal na Angeleño,

Bilang inyong dating punonglungsod, ako ay labis na nababahala sa mga kaganapan sa ating mahal na Lungsod ng Angeles nitong nakaraang dalawang linggo na nakapailalim ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine dahil sa paglaganap ng SARS-COV-2 virus na nagdudulot ng sakit na tinatawag na Coronavirus 2019 o CoViD-19.

Sa aking obserbasyon meron kalituhan ang mga Angeleño dahil sa paiba-ibang patakaran na ipinapatupad, at kakulangan sa pagbabahagi ng kinakailangang impormasyon. Nariyan rin ang kakulangan sa tulong para sa mamamayan na relief food packs lalu na sa mga komunidad.

Maaring lahat nang ito ay dahil sa talagang mahirap ang kalagayan natin ngayon. Naiintindihan ko na hindi simple ang kinakaharap nating krisis at hindi madali ang pagbibigay ng suporta lalu na sa hindi naman kalakihang resources ng ating lokal na pamahalaan at mga barangay. 

Ako po ay nag-aalala sa kalagayan ng mahihirap na pamilya na lalung naghihirap sa ngayon, at mga empleyado at manggagawang “no work, no pay” kabilang na ang mga tsuper ng puj at tricycles.

Nguni’t tiyak po ako na darating ang tulong mula sa lokal na pamahalaan at nalalapit na rin ang financial assistance mula sa pambansang pamahalaan na nagkakahalaga ng 5,000 hanggang 8,000 bawat pamilya.

Higit sa lahat, ako po ay nangangamba sa mga nasa frontlines, mula sa mga barangay officials at staff hanggang sa mga pulis at sundalo, mga doctors, nurses, social welfare workers, day care workers, barangay health workers, pati na rin ang mga tagapag libing at “cremators” ng mga yumao na hangang kinagabihan ay wala pa rin “protective clothing.”

Gayun din ang mga nasa establisyamentong nakabukas pa tulad ng drugstores at pharmacies, mga palengke, groceries at supermarket, bangko, security guards, at mga delivery personnel. Pagpupugay po sa inyong kasipagan, kabayanihan at katapangan.

Batid ko rin na marami sa inyo ay may kakulangan sa inyong mga kagamitan katulad ng face masks at PPE’s ngunit patuloy pa rin sa inyong taos-pusong paglilingkod. Mag-iingat po kayong mabuti.

Bilang isang pribadong mamamayan, ako naman po ay nakakatulong at nahihingian ng payo ng ilang opisina ng pambansang pamahalaan kaugnay ng kasalukuyang krisis. Maihahalintulad ko po ito sa isang digmaan na hindi natin nakikita ang kalaban. 

Pagkatiwalaan po natin ang ating pambansa at lokal na pamahalaan. Sigurado po ako na tulad nang dati, ang lahat ng ito ay ating malalampasan kung tayo ay nagkakaisa at sama-sama.”

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews