Message CLMA – The Premier Press Club

OUR guest of honor and speaker whose proper introduction I will not pre-empt here, our inducting officer Philippine Information Agency Director-General Joe Torres… Magandang hapon po.

Only last September, the Central Luzon Media Association – the mother club, that is –turned 45 years old. But it is today, right here and now, that the CLMA did indeed go full circle. By serendipity, if not by Providence, with the mere presence here of Director General Joe Torres.

Surprised? Please indulge the reminiscences of this old man.

At the time of the founding of the CLMA on Sept. 24, 1978, the president of the Republic of the Philippines was Ferdinand Edralin Marcos. Today it is his namesake and junior, Ferdinand Romualdez Marcos.

The CLMA was birthed at the Department of Public Information, Region 3 office. Its first set of officers were sworn into office thereat by Information Secretary Francisco S. Tatad. Today, our inducting officer is PIA director general Joe Torres. In case you did not know, the Philippine Information Agency is the descendant of the Department of Public Information, that subsequently evolved into the Ministry of Public Information when the government experimented with the presidential-parliamentary system; then back to the Department of Public Information, and then into the Office of Media Affairs, until finally becoming the PIA after the EDSA Revolution of 1986.

Since Kit Tatad, no other head of the information agency ever showed up in CLMA induction ceremonies until today, with DG Torres.

There is the full circle.

It was my fortune to have been there at all stages of this agency’s evolution – with the bragging right of being the last regional director, albeit on OIC status, of the DPI and the first of the OMA, at the age of 27.

Apatnapu’t limang taon. Tunay na napakabilis ng takbo ng panahon, nang alinsunod sa atas ng tungkulin bilang pinuno ng research, training and development division ng DPI, aking binalangkas ang CLMA at bumuo sa core group sa pagkakatatag nito. Ito po ang dahilan sa pagkakabit sa aking pangalan ng titulong “founding proponent” na siyang iginawad sa akin ng maituturing nating ama ng CLMA, si Director Ricardo Velasquez Serrano ng DPI-3 noon.

Samahan niyo akong gunitain man lang dito ang mga nagsilbing haligi ng CLMA, na matagal na ring pumalaot sa kabilang buhay: Alfredo Roxas ng Philippine News Agency at Benjamin Gamos ng Times Journal, na noo’y naka-base sa mismong tanggapan ng DPI, kaya’t sila na ring tumayo para sa Pampanga; mula sa Bulacan – Rod Reyes ng People’s Journal, at magkapatid na Jess at Bert Matic, ng The Reflector – ang una’t huling pahayagng broadsheet sa Gitnang Luzon; mula sa Bataan, Efren Molina ng Bulletin Today; mula sa Nueva Ecija, Pacifico de Guzman ng The Monday Post, Pete Salazar ng Dahongpalay, at Anselmo Roque ng Daily Express katuwang si Isagani Valmonte ng Times Journal; mula sa Tarlac mag-asawang Ben at Rose Razon ng Tarlac Star at radioman Ben Gonzales, Feliciano Pasion ng Manila Times, at DPI coordinator Luz Ducusin; mula sa Zambales ang mag-asawa ring Elpidio at Susana Curiano ng Olongapo News.

Baka po kayo malito, ang ikinukuwento ko po ay ang pagkatatag ng mother club – ang CLMA na una’t tanging “regional association of working media persons” sa buong Pilipinas. Mula po sa umbrella organization na ito umusbong ang mga provincial chapters na kabilang na nga ang ating binibigyang pugay at piging dito ngayon.

Apatnapu’t limang taon. Mula sa murang edad na dalawampu’t apat, ngayon ay heto ako na kung minsan ay hindi na maala-ala ang ginawa ko makaraan ang dalawang oras lamang.

Kaya’t sinasamantala ko ang bawat pagkakataong tulad nito na maisawalat at maibahagi sa inyong mga nakababata ang nakaraan ng ating samahan, at least, yung sumasariwa pa rin sa aking kaisipan. Upang kahit na manawari ay maisapuso natin at maging matamis na ala-ala kundi man inspirasyon at gabay sa ating pagpapatuloy sa landas ng pamahayagan.

Itinatag ang CLMA sa kasagsagan ng hagkis ng batas militar. Hindi iilan ang nag-isip sa hanay ng mga mamamahayag noon na ito ay pakana lamang ng estado na kontrolin ang media, lalo na nga’t nabuo’t nilinang ang samahan sa Department of Public Information na tinutuya bilang “propaganda arm” ni Marcos.

Sa kabutihang palad, nagkataon na ang may timon noon ng DPI sa rehiyon, si Ric Serrano na nga, ay may mataas na pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag – dahil siya mismo ay nanggaling din sa hanay ng media.

Isa sa mga pangunahing dahilan sa pagbuo ng CLMA ay ang protektahin ang karapatan sa malayang pamamahayag – ito ay sa pamamagitan ng pagbigkis-bigkis ng mga indibidwal sa isang samahan – in union there is strength, saad nga ng kawikaan. Ang diwa ng ugnayan na umusbong sa mismong pagsilang ng CLMA ay ang kawikaang Tagalog: Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan. Higit sa isang samahan lamang, ang layon ng CLMA ay maging isang kapatiran.

Anumang hagupit sa sinumang kapatid sa media ay tuwirang hagkis sa buong samahan. Kaya nga’t maraming beses na naglabas ang CLMA ng mga pagkundena sa mga nasa pamahalaan – local o national – pulis at militar, nanggipit, nanakot o nanakit sa hanay ng media. Tulad sa paghamon ng duelo ng isang armadong punong bayan ng Pampanga kay Jerry Lacuarta ng Bulletin Today na tanging pluma ang tangan sa kamay. O sa armadong pananakot kay Charlie Gatdula, ang Tarlac correspondent ng Bulletin Today, na napilitang mangibang bansa. Sa pagsalakay ng mga armadong alipores ng mayor ng Angeles sa programang Tagamasid sa DZYA nina Sonny Lopez ng Pahayagang Malaya, at Bong Lacson ng People’s Journal/Tonight. Sa pananakit at panghambalos ng mga tauhan ng Philippine Air Force sa mga Pampanga media na kumo-cover sa isang May Day protest rally sa noo’y Clark Air Base. Pati na rin sa pagdukot at pag-torture ng mga pulis ng Olongapo-Metrodiscom kina Joy Franklin Gonzales ng Daily Globe at Jess Malabanan ng Manila Standard dahil sa kanilang banat sa problema ng droga sa lungsod. Naganap ang mga ito noong dekada 80 at 90. Noong Disyembre 2021 si Jess Malabanan ay pinaslang sa Samar, at hanggang ngayon wala pa ring katarungan ang kanyang pagkamatay.

Sa kabilang banda, naging kasangga ng pamahalaan ang CLMA hindi lamang sa mga paglalahad ng mga programang pangkaunlaran nito kundi sa pagsisiwalat rin sa mga kalabisan, kakulangan, at korupsyon sa mga sangay ng gubyerno.

Binuo natin noon ang buwanang Central Luzon Media Forum sa tanggapan ng DPI kung saan naging pangunahing bisita natin ang mga miyembro ng Gabinete, gaya nina Blas Ople ng Labor na hindi lang minsan kundi maraming beses nating nakadaupang-palad at nakaututang dila, si Aber Canlas ng DPWH, Greg Cendana ng Office of Media Affairs, Jose Leido ng Natural Resources, at maraming iba pa.
Ang kasalukuyang Labor Secretary Benny Laguesma ay naging bahagi rin ng maraming okasyon sa CLMA magmula noong siya ay assistant director pa lamang sa DOLE-Central Luzon.

Hindi lahat ng ugnayan ng CLMA sa kapulisan at kasundaluhan ay mapait o may kapighatian. Sa katotohanan, minsa’y nakipagkapit-bisig din ang CLMA, kasama ang DPI, sa Regional Command 3 ng PC-INP sa Camp Olivas, San Fernando sa pangunguna ni BG Vicente Eduardo, at sa 5th Army Brigade sa Camp Aquino, Tarlac sa pangunguna naman ni BG Benjamin G. Santos.

Sa ugnayang ito nabuo at ipinatupad ang tatlong malawakang kampanya:

Anti-Pollution Campaign, kung saan napilitang magpatayo at magpaandar ng mga pollution-abatement facilities sa isang azucarera sa Pampanga, at dalawang pulp and paper manufacturing company sa Bulacan at Bataan. Incidentally, the broad daylight ambush on CLMA father Ric Serrano in Quezon City in June 1998 was related to his anti-pollution efforts in his capacity then as regional director of the Department of the Environment and Natural Resources. His murder, to this time, is unsolved.

Anti-Illegal Dikes Campaign, na nauwi sa pagbuwag at pagpapasabog ng 300 dike na sumakop sa mga kailugan ng Bataan, Bulacan, at Pampanga na umaagos sa Manila Bay. Sanhi nito, nasama pa ang CLMA sa mga kasong isinampa sa korte ng mga ilang may-ari ng mga pinasabog na dike. Absuwelto naman po ang lahat ng mga kinasuhan.

Anti-Illegal Gambling Campaign, na nag-resulta naman sa pagkakatanggal sa tungkulin ng isang humaliling regional PC-INP commander, ilang provincial commanders, at mga hepe ng pulisya sa ilang bayan at lungsod.

Gaya ng anumang samahan, hindi rin nawala ang sigalot, bangayan, awayan sa CLMA. Sa katunayan nagkaroon pa nga ng mga suntukan sa isang induction ceremonies sa San Fernando, at sa isang eleksyon ng mga officers sa Olongapo.

Subali’t, sa bawat hidwaan, nanaig pa rin ang higpit ng kapatiran. Buhay pong saksi nito ang kasalukuyang president ng CLMA mother club, si Ginoong Vic Vizcocho ng Olongapo-Zambales.

Sa aking pananaw, walang anumang balakid na hindi natin malalagpasan, walang di-pagkakaunawaan ang hindi natin malunasan basta matibay ang ating bigkisan, habang sandigan natin ang katotohanan.

Sa tibay at tatag ng anumang samahan, ang bawat isa, may posisyon mang hinahawakan o karaniwang kasapi lamang, ay pantay ang karapatan, malaya sa paghayag ng saloobin, walang kimkim na anumang agenda liban sa kapakanan ng samahan at bawa’t kasama dito.

Sa haba ng aking karanasan sa mga samahan sa media, aking nakita ang pinakamagagandang pagsasama-sama, pati na rin ang pinakasukdulan sa kasamaan. Isang hindi malilimutang aral mula sa mga taon ko sa seminary ang kawikaang: Mabuti ang pakikisama, huwag lamang maging pakiki-SAMA – the collective evils of pretensions to elitism, bloviated feeling of self-importance, sense of entitlement, mixed with the mentality of the mindless mob. This becomes even more toxic if it obtains in a press club, as it makes the total negation of the Journalism Code of Ethics.

Sa mga nanunungkulan, higit ang tawag ng transparency at accountability. Dahil na nga ipinagkaloob sa kanila ang pamumuno sa samahan. Subali’t ang sovereignty, ay nanatili sa general assembly. Kaya’t anumang pasiya ng mga namumuno ay kinakailangan pa ring isangguni sa nakararami.

Ito ang mga kaisipang umiral sa akin sa pagbalangkas ng CLMA. Ito ang aking idinadalangin na maging pamantayan, maging kalakarang iiral pa rin sa ating kapatiran tungo sa mga susunod pang mga henerasyon. Tungo sa pagtaas pa ng antas ng pamahayagan sa ating pamayanan.

Sa pagsandig sa katotohanan at katapatan sa tungkulin bilang malayang mamamahayag, ito ang saligan hindi lamang ng aking matibay na paniniwala kundi ng aking buong pananampalataya sa Central Luzon Media Association, the premier press club.

Mabuhay and CLMA. Luid ya ing Kapampangan. Dacal pung salamat.

CAESAR Z. LACSON
Chairman Emeritus/Founding Proponent
Central Luzon Media Association

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews