Mga ahensya, nagbigay ayuda sa mga nasunugan sa Bocaue

BOCAUE, Bulacan —  Bumuhos ang mga ayuda ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa may 177 pamilyang nasunugan sa barangay Antipona sa bayan ng Bocaue.

Pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang nasabing pamamahagi kung saan tiniyak niya ang mabilis na pagbabalik sa normal ng nasabing mga pamilya, na katumbas ng may 522 na mga indibidwal. 

Una na rito ang tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, bawat isang pamilyang nasunugan ay pagkakalooban ng limang libong piso.

May ibinigay din na tig-10 libong pisong halaga ng livelihood assistance ang Department of Trade and Industry o DTI sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PBG program. 

Sinabi ni DTI Assistant Regional Director Zorina Aldana na ipinagkakaloob ang PBG sa mga pamilya o indibidwal na nakaranas o naging biktima ng iba’t ibang uri ng kalamidad. 

Maaring gamitin ang tinanggap na livelihood assistance sa pagsisimula ng isang sari-sari store, bigasan, barberya, massage service, e-load services, kakanin, siomai stand o kaya naman ay barbecue stall.

Nagbigay naman ng mga pamimilian ang National Housing Authority o NHA sa mga biktima ng sunog kung anong ayuda o tulong ang gustong matamo. 

Ipinaliwanag ni NHA Bulacan Manager Ramon Paragas na ang mga nasunugan ay maaring tumanggap ng tig-30 libong piso upang maipangbili ng mga materyales sa muling pagbubuo ng bahay. 

Pero kung kulang ang nasabing halaga, pupwedeng bagong bahay na mismo ang ibigay ng NHA kung gugustuhin ng nasunugan at ito ay matatagpuan din sa ipinatayong pabahay ng NHA na nasa Bocaue rin sa barangay Batia. 

Kaugnay nito, sinabi rin ni Go na ang mga batang mag-aaral ng pamilyang nasunugan ay pagkakalooban ng libreng uniporme upang agad na makabalik sa pag-aaral. 

Iba pa riyan ang pagkakaloob ng araw-araw na suplay ng pagkain habang pansamantalang nanunuluyan sa bagong gawang Bocaue Evacuation Center, na ilang metro lamang ang layo mula sa munisipyo. 

May ibinigay din na mga groceries mula sa tanggapan ng senador upang mapunan ang mga nasunog na mga pangunahing pangangailangan.

Samantala, sinabi ni Municipal Administrator Juvic Degala na tumutulong ang pamahalaang bayan sa suplay ng pagkain ng mga nasunugan habang nasa evacuation center.

Sapat ang suplay sa susunod na 15 araw at ipinagkakaloob din ang karampatang tulong medikal lalo na sa mga may kaso na may napaso dahil sa sunog. 

Ang mga nasunugan ay dating naninirahan sa tabi ng sapa sa barangay Antipona kaya’t hindi na rin sila papayagan ng pamahalaang bayan na makabalik pa doon. 

Naganap ang sunog nitong Pebrero 11 dahil sa naiwang sinaing. Agad namang napatay ang sunog sa loob ng dalawang oras matapos itaas ng Bureau of Fire Protection sa ikaapat na alarma.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews