NORZAGARAY, Bulacan — Buong pagkakaisang ipinagkaloob ng mga ahensyang kabilang sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster o PRLEC ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang iba’t ibang mga proyektong panlaban sa kahirapan ng may 350 pamilyang Dumagat na nasa paligid ng Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan.
Sinabi ni Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Regional Director Balymrson Valdez, na siyang lead agency ng PRLEC, na hindi dapat mapunta sa wala ang sari-saring mga biyayang ipinagkaloob ng pamahalaan sa kanila pagkat ginastusan ito mula sa buwis ng mga mamamayan.
Dahil dito, pag-iibayuhin ang pagsasanay para sa tamang paghawak ng kita na pagtutulungan ng TESDA at Department of Trade and Industry sa pamamagitan ng financial literacy training.
Lalahok dito ang 350 pamilyang Dumagat na binigyan ng pagkakataon na makapag-reselling ng mga produktong frozen meat na nagkakahalaga ng 110 libong piso mula sa San Miguel Corporation na kinatuwang ng TESDA para rito.
Ang magiging sistema, ang mga frozen meat at ang freezer na pinaglalagyan nito ay ilalagak sa tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples sa Norzagaray.
Sasabayan ito ng pagbubuo ng kooperatiba ng mga benepisyaryo sa tulong ng Cooperative Development Authority upang matiyak na hindi masasayang o malulugi ang magiging pagtitinda.
Bukod dito, 22 indibidwal mula sa nasabing mga pamilya ay nakatapos at pinagkalooban na ng sertipiko kaugnay ng pagsasanay sa larangan ng Food Processing mula sa TESDA.
Iba pa rito ang 11 pinagkalooban ng NegoKart ng Department of Labor and Employment.
Para naman matiyak ang tuluy-tuloy na seguridad sa pagkain ng mga pamilyang Duumagat, mayroong ibinigay na 44 na lata ng mga binhi ng iba’t ibang uri ng mga High Value Commercial Crops o gulay na kayang maitanim sa 40 ektaryang lupa.
Nagmula ito sa Department of Agriculture sa kahilingan ng Provincial Agriculture Office bilang bahagi ng programang Plant Plant Plant.
Samantala, 75 na mga kalalakihan ay ganap nang mga NC II holders mula sa TESDA.
Kabilang diyan ang tig-25 na may NC II sa Truck Mounted Crane, NC II sa Hydraulic Excavator at NC II sa Forklift Operation.
Sila ay direktang pinamatch-up ng TESDA sa kontratistang EEI Corporation para sa posibleng pagkuha sa kanila at makapagtrabaho sa mga proyekto sa ilalim ng programang Build Build Build.
Samantala, mayroon pang humigit kumulang sa 20 milyong pisong halaga ng mga imprastrakturang pambarangay ang inilaan ng Department of the Interior and Local Government at Department of Public Works and Highways sa iba’t ibang sitio ng barangay San Mateo.