Mga aksyon para sa seguridad sa pagkain, inilahad ni Sec. Galvez

BUSTOS, Bulacan (PIA) — Inilahad ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity at designated Cabinet Officer for Regional Development and Security o CORDS for Region III Carlito G. Galvez Jr ang sari-saring proyekto at programa ng administrasyong Duterte para tiyakin ang seguridad sa pagkain. 

Sa idinaos na asembleya ng mga magsasaka ng Palay sa Angat-Bustos-Pandi o ANBUSPA, sinabi ng kalihim na una na riyan ang pagtitiyak na may tuluy-tuloy na patubig mula sa Bustos Dam bago ang tag-araw sa 2020. 

Ayon sa kalihim, may sapat na patubig para sa may isang libong magsasaka ng ANBUSPA para sa pagtatanim ngayong Nobyembre at Disyembre 2019. Ito’y upang maani ang mga Palay sa Pebrero 2020 bago ang napipintong El Nino sa unang bahagi ng susunod na taon. 

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagpapalabas ng tubig sa Bustos Dam mula nang ipag-utos ni Galvez sa National Irrigation Administration o NIA na gamitin na ang tubig sa nasabing dam para mapatubigan ang mga sakahan ng ANBUSPA. 

Ito’y tugon sa bumababang lebel ng tubig mula sa Angat Dam. Ang Bustos Dam ay salukan ng mga sobrang tubig mula sa Angat Dam na nasa Norzagaray. 

Nagpahayag din ng suporta ang kalihim kay Gobernador Daniel R. Fernando na tutulong ang tanggapan ng CORDS upang mapapondohan sa Department of Agriculture ang pagbuhay sa Bulacan Farmers’ Training Center. 

Ayon sa Gobernador, kasama sa kanyang mga prayoridad na nasa 2020 Annual Investment Plan ng Pamahalaang Panlalawigan na muling itayo ang pasilidad. 

Layunin nito na patuloy na maagapayan ang mga magsasaka na mapalakas ang produksyon ng pagkain habang napapataas ang kanilang kita. 

Dati nang mayroong Farmer’s Training Center ang lalawigan mula noong huling bahagi ng 1960s hanggang sa unang bahagi ng 1980s na matatagpuan sa bayan ng Donya Remedios Trinidad. Ngunit naisara ito noong 1986 at ginawang isang drug rehabilitation center noong 1999. 

Ibinalita rin ni Galvez na nakatakda siyang bumisita sa bansang France upang makipagpulong sa mga potensyal na makakatulong sa mga magsasaka. 

Partikular na lalakarin ng kalihim ang makapagkaloob ng mga Solar-powered na motor ng patubig upang mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka ng Palay. 

Ipinaliwanag pa niya na sa katatapos na cabinet meeting ay iniulat na nakapagtala ng 6.2 porsyentong Gross Domestic Product ang Pilipinas ngunit sa mataas na talang ito, 0.5 porsyento lamang ang kontribusyon ng pagsasaka. 

Kaya’t binigyan aniya siya ng direktiba ng Pangulo na tutukan ang pagsasaka. Hinikayat ni Galvez ang mga magsasaka na upang mapalakas ang kita, sabayan ng pagtatanim ng mga gulay at pag-aalaga ng mga hayop.

Para naman sa mga nag-aalaga ng Baboy, sinabihan niya ang mga ito na huwag pakainin ang mga alaga ng “Kaning Baboy” dahil ayon sa mga pagsusuri, ito ang pinagmulan ng sakit na African Swine Fever. Mas mabuti na aniyang pakainin sila ng darak. 

Samantala, nakatakdang magkaroon ng mga fish cages sa Bustos Dam sa ilalim ng programang pangangasiwaan ng NIA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Layunin nito na may pagkuhanan ng suplay ng Tilapia ang mga mangingisda at magsasaka na nais subukan ang ganitong uri ng hanapbuhay. 

Target gawing fish cages ang mahabang bahagi ng Bustos Dam mula sa barangay Tibagan sa Bustos hanggang sa barangay Donacion sa Angat. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews