Mga ambag ng Bulacan sa Kalayaan, Pagsasabansa inilahad

LUNGSOD NG MALOLOS — Higit pa sa pagiging kabilang sa unang walong lalawigan ng Pilipinas na nag-aklas laban sa mga Kastila ang naging kontribusyon ng Bulacan sa Kalayaan ng bansa.

Sa kanyang lektura sa okasyon ng pagdiriwang ng ika-120 taon ng Paglaya ng Bulacan, inisa-isa ng historyador na si Michael Charleston Chua ang mga naturang ambag na ito ng mga Bulakenyo.

Una na riyan ang ambag ng mga taga-Hagonoy sa pagpapalaya sa Bangkusay na ngayo’y sakop ng Tondo sa Maynila.

Pangalawa ay ang ambag ni Francisco Balagtas na nagbigay ng Kalayaan na Pandayin ang Sariling Wika habang pangatlo ay si Mariano Sevilla para sa Kalayaan sa Paglikha ng Kahulugan pagkat siya ang nagdala ng Flores de Mayo sa bansa partikular sa Parokya ng Nuestra Senyora de Asuncion sa bayan ng Bulakan kung saan ito nagsimula.

Pang-apat ay si Hermenegildo Flores na siyang nagpadala ng Hibic ng Pilipinas o daing sa aniya’y Inang Espanya noong 1888 upang ipabatid ang mga pang-aabuso ng mga Kastila sa Pilipinas na hindi nalalaman sa Espanya.

Panglima ay si Marcelo H. Del Pilar na maituturing na pinakamatapang na Pilipino sa kanyang panahon sapagkat siya ang lantarang gumamit ng salitang Kalayaan sa panahon na walang kalayaan sa Pilipinas.

Pang-anim si Mariano Ponce na nagsimula ng pagbubukas ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Japan habang pangpito ang mga Kababaihang Dalaga ng Malolos dahil sa katapangang manindigan at ipaglaban ang kanilang karapatan para sa edukasyon.

Pangwalo, si Deodato Arellano na propagandista at kauna-unahang naging Pangulo ng Katipunan.

Pangsiyam si Isidoro Torres na napasuko ang mga Kastila sa Macabebe, Pampanga noong 1898. Naipanalo rin niya ang pakikipaglaban sa mga Kastila sa mga bayan ng Bustos, San Miguel at Calumpit noong 1896 nang malantad ang Katipunan.

Pangsampu si Trinidad Tecson na pinangunahan ang iba pang kababaihan na maglingkod sa pamamagitan ng pagkalinga, pagmamalasakit at pagtulong. Kalaunan, itinatag niya ang kasalukuyang Philippine Red Cross.

Panglabing-isa ang Cacarong de Sili sa Pandi na nagtatag ng Balangay Dimas Alang na isang lokal na samahan ng Katipunan. Pinamunuan iyon ni Maestrong Sebio bilang Brigadier General.

Panglabing-dalawa ang Biak-na-Bato na may Saligang Batas na pinagtibay sa pusod ng masukal na kabundukan sa San Miguel, Bulacan. Nilalaman nito ang tuluyang paghiwalay ng Pilipinas sa Pamahalaang Monarkiya ng Kaharian ng Espanya at mabigyan ng pagkakataon na maitatag ang Pilipinas bilang malayang estado. Ito rin ang nagbigay ng bisa upang maitatag ang kasalukuyang National Treasury of the Philippines.

Panglabing-tatlo ang Kongreso ng Malolos na nagratipika sa pagsasabisa ng proklamasyon ng Hunyo 12, 1898 na kanilang pinagtibay noong Setyembre 29, 1898.

Mula sa naturang petsa hanggang Enero 21, 1899, binalangkas at pinagtibay ng mga delegado ng Kongreso ang Saligang Batas ng 1899, na siyang kauna-unahan sa Pilipinas.

Panglabing-apat si Simon Tecson na nanguna sa Paglusob sa Baler noong Hunyo 30, 1899. Sa kanyang pamumuno sa hukbo, dumating ang puntong ang mga Kastilang naikulong nila sa simbahan ng Baler ay dumadanas na ng paghihirap sa kalusugan, kagutuman at iba pang pisikal na sakit, minarapat ni Tecson hikayating pasukuin ang mga Kastila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga makataong pangangailangan.

Panglabing-lima si Heneral Gregorio del Pilar na dinala sa matarik na bulubundukin ng Pasong Tirad ang laban sa mga Amerikano sa paniniwalang isa itong taktika upang makita mula sa itaas ang galaw ng mga kalaban sa ibaba

At Panglabing-anim ang Jocelynang Baliwag. Sa panahon na walang ‘Kalayaan’, ang tanging paraan upang mailabas ng mga Pilipino ang nararamdaman ay sa pamamagitan ng pag-awit. Dito ibinubuhos ng mga ninuno ang lahat ng hinanakit at sama ng loob, at ang pag-asang magkaroon ng Malayang Pilipinas. Kilala rin ito bilang Kundiman ng Himagsikan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews