Mga bagong kagamitan dagdag sa COVID-19 response ng Cabanatuan

Dumating na ang mga bagong kagamitang binili ng pamahalaang lungsod na daragdag sa kakayahang tumugon sa mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Cabanatuan.

Ayon kay Cabanatuan City Hospital Assistant Chief Niño Buenaventura, dumating ang mga makabagong kagamitang binili ng pamahalaang lokal gaya ang high flow machine at arterial blood gas machine na ginagamit upang masuri at malaman ang oxygen level ng mga pasyenteng may COVID-19.

Ang pinakamahalaga aniya ay ang biniling dalawang yunit na oxygen generator na mayroong filling capacity na 80 cylinders sa kada araw at ang kasamang 500 yunit na oxygen cylinders.

Hindi na kailangan pang bumili sa labas dahil kaya na ng pamahalaang lungsod mag-refill ng mga oxygen na kailangan ng mga pasyente.

Ibinalita din ni Buenaventura na ginagamit na ang bagong modular facility sa City Hospital na kung saan nakahiwalay ang mga pasyenteng nakararanas ng mga sintomas ng COVID-19 mula sa non-covid patients upang maiwasan ang hawahan. 

Ang nabanggit na modular facility ay binubuo ng tig-anim na emergency room beds at consultation rooms gayundin ay may kwarto para sa mga minor operations. 

Ayon pa kay Buenaventura, bukod pa ang 300 bed capacity na temporary treatment and monitoring facility para sa mga pasyenteng may COVID-19 na mayroong sariling oxygen, aircon at tv ang kada kwarto. 

Kaniyang idinagdag na kabilang sa mga isinusulong na gampanin ng pamahalaang lokal bilang tugon sa pandemiya ay ang pagpapatayo ng  sariling RT-PCR Laboratory sa siyudad na kasalukuyang nasa 2nd phase na o paglalagay ng exhaust system, negative pressure, face recognition sa mga pintuan at ilang pagbabago mula sa panuntunan ng Department of Health. 

Kaugnay sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 ay patuloy ang panawagan ng pamahalaang lokal sa mga mamamayang magpabakuna partikular ang kasama sa priority group A1 hanggang A4 gayundin ay patuloy ang isinasagawang libreng antigen test ng mga barangay health center para sa mga mamamayang nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19. 

Pahayag ni Mayor Myca Elizabeth Vergara, sa mabilis na pagkalat ngayon ng COVID-19 ay kailangan ang tulong ng bawat mamamayan, ang disiplina upang maingatan ang sarili at ang nakakasalamuhang pamilya o mahal sa buhay mula sa pagkakasakit. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews