Mga bagong pasilidad ng Dr. PJGMRMC, pinasinayaan

LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinangunahan ni Health OIC-Secretary Maria Rosario Vergeire ang pagpapasinaya sa mga bagong pasilidad ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center o Dr. PJGMRMC sa lungsod ng Cabanatuan.

Sinabi ni Vergeire na isa ito sa pangarap ng lahat ng mga government hospital sa bansa, ang magkaroon ng maganda at malawak na pasilidad, maayos na ventilation, high-tech na kagamitan na kayang makipagsabayan sa mga pribado at kilalang ospital sa bansa. 

Pinangunahan ni Health OIC-Secretary Maria Rosario Vergeire (ika-anim mula kanan) ang pagpapasinaya sa mga bagong pasilidad ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa lungsod ng Cabanatuan. (Camille Nagaño/PIA 3)

Napakasaya aniyang masaksihan ang ganitong uri ng pag-unlad sa mga ospital ng pamahalaan at natutupad ang mga dating pinapangarap na makatutulong sa pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugang kailangan ng mga mamamayan.

Kabilang sa mga pinasinayaan ang bagong emergency department, operating room complex, at surgery ward na bumubuo sa una hanggang ikatlong palapag ng itinatayong six-storey Multi-Specialty Center Building sa Dr. PJGMRMC. 

Dumalo sa idinaos na programa ang mga kawani at opisyales ng DOH sa lalawigan at rehiyon, Health Facilities Enhancement Program Management Office Director IV Leonita Gorgolon, Field Implementation and Coordination Team Undersecretary Nestor Santiago, Jr., at Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara gayundin ang mga kawani ng Dr. PJGMRMC sa pangunguna ni Medical Center Chief Huberto Lapuz. 

Binibigyang halaga ng DOH ang pagpapaunlad sa healthcare system ng bansa na lalong napansin noong nagsimula ang pandemiya dulot ng COVID-19. 

Ayon pa kay Vergeire, ito ang nagmulat sa lahat upang tutukan ang pagpapabuti ng mga ospital mula sa mga kailangang pasilidad, laboratoryo, mga kagamitan, mga doktor at kawani. 

Kailangan din aniyang mapatatag ang iba’t ibang pasilidad sa bansa gaya ng mga specialty centers na nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address. 

Kaniyang ibinalita na mayroon ng specialty centers sa iba’t ibang panig ng bansa hindi lamang sa Metro Manila tulad sa Mindanao, Iloilo at ang nakaplano ding pagtataguyod ng nasa 12 specialties sa Dr. PJGMRMC. 

Pahayag ng kalihim, hindi natatapos ang programa sa paggawa lamang ng mga bagong pasilidad bagkus ay kailangang magtuloy-tuloy tulad sa pagdaragdag ng mga kasanayan ng mga eksperto sa bawat ospital. 

Kaniyang ipinaabot ang lubos na pasasalamat sa pamunuan at lahat ng mga kawani ng Dr. PJGMRMC na patuloy ang pagseserbisyo sa mga mamamayan gayundin ang suporta mula sa mga lokal na pamahalaan at opisyales na katuwang sa pagsusulong ng sektor ng pangkalusugan. 

Ipinaabot naman ni Lapuz ang lubos na pasasalamat sa DOH at mga ahensiyang patuloy ang pagtulong sa institusyon partikular ang pagtatayo ng Multi-Specialty Center. 

Nakapaloob aniya dito ang pagkakaroon ng trauma center at burn center sa Emergency Department na kumpleto sa kagamitan at kayang magbigay ng paunang lunas sa mga injury tulad ng gunshot, stab wounds, biktima ng vehicular accidents, insidente ng sunog at iba pa.

Kaniya ding ibinalita na sa susunod na taon ay magkakaroon na ng open heart surgey procedure at kidney transplant sa bagong operating room complex ng ospital. 

Ang bagong surgery ward naman ay magbibigay ng mas komportableng akomodasyon sa mga pasyente.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews