Patuloy na hinihikayat ng pamahalaang panlalawigan ang mga Bataeño na magpabakuna kasunod ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 at banta ng Omicron variant.
Sa kanyang mensahe sa isinagawang birtwal na selebrasyon ng ika-265 taong pagkakatatag ng lalawigan, sinabi ni Governor Albert Garcia na mas masisiguro ang kaligtasan ng sarili at pamilya kung bakunado at patuloy na sumusunod sa mga basic health protocols na nakalatag tulad ng pagsuot ng face mask, social at physical distancing, at palagiang paghuhugas ng kamay.
Ibinalita ni Garcia na isa ang Bataan sa mga probinsya sa buong bansa na may pinakamataas na porsyento ng bakunado.
Nasa 83.31 porsyento na ng target na populasyon o 495,437 katao ang fully vaccinated.
Sa kasalukuyan, ang lalawigan ay mayroong 30 vaccination sites at Vax on Wheels na layuning mapalapit ang bakuna sa mga malalayong komunidad.
Ayon kay Garcia, ang tagumpay na ito ay dahil sa pagbubuklod ng pamahalaan, pribadong sektor, civil society, simbahan, akademya, maging ang mga miyembro ng mga barangay, at bawat Bataeño patungo sa kaligtasan, katiwasayan, at patuloy na pag-usad ng ekonomiya ng lalawigan.
Ang pagtutulungang ito aniya ay kumakatawan sa layuning maihatid ang bakuna sa mas nakararami at maabot ang mas mataas na porsyento ng bakunadong populasyon na magsisilbi pangmatagalang solusyon sa pandemya.